Environmental code, isinabatas na sa San Pedro City
Environment

Environmental code, isinabatas na sa San Pedro City

Sep 1, 2026, 1:27 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Sa panahon ngayon na ramdam na natin ang masamang epekto ng climate change, polusyon at walang kapararakang pagkasira ng likas-yaman, higit ay kailangan ang isang matibay na polisiya para sa pangangalaga sa kalikasan.

Ito ngayon ang nais tugunan ng pamahalaang lungsod ng San Pedro, Laguna sa pagsasabatas nito ng isang komprehensibong patakaran upang mapagyaman ang natural resources ng lungsod.


Ipinasa na kamakailan ng Sangguniang Panglungsod ang City Ordinance No. 2026-20 o ang Environmental Code of San Pedro City, Laguna, na nagtatakda ng mga polisiya na ipapatupad ng pamahalaang lungsod sa pagsusulong ng environmental sustainability para sa mga San Pedrense.


Ayon sa naturang ordinansa na iniakda ni Konsehal Kent Lagasca, mayroon umanong matinding pangangailangan na i-rebisa at i-update ang mga kasalukuyang batas at polisiya ukol sa pangangalaga sa kalikasan sa lungsod upang umakma hindi lamang sa hamon ng climate change kundi pati na rin sa mga pinakabagong batas at polisiya na nagtataguyod ng sustainable development.


"The City Government recognizes that sustainable development can only be achieved by balancing economic initiatives with robust environmental protection and active climate change adaptation," ayon sa nasabing ordinansa.


Pinag-isa at inupdate ng naturang Environmental Code ang iba't ibang mga lokal na ordinansa na nauukol sa waste management, environmental protection, at maging noise pollution at pagre-regulate sa paggamit ng plastic.


Kabilang sa mga itinakdang polisiya ng Environmental Code ang mga sumusunod:


- Pagtatakda at pagdaragdag ng "Open and Green Spaces" sa mga pampubliko at pribadong lupa sa lungsod.


- Pagpoprotekta sa mga puno sa lungsod, kabilang na ang pagre-regulate sa paggamit ng chainsaws, at paghihikayat na magtanim pa ng mga puno sa mga open spaces sa lungsod.


- Pagpapaigting ng mga batas at ordinansa laban sa air pollution, noise pollution at maaksayang paggamit ng enerhiya.


- Pagpapaigting ng water resources management, gayundin ang pagprotekta sa mga daluyan ng tubig sa lungsod at sa baybayin ng Laguna de Bay.


- Mas mahigpit na pagpapatupad ng tamang pagtatapon ng basura at pagbabawal sa paggamit ng single-use plastics.


Sa pagpapatupad ng naturang ordinansa, umaasa ang pamahalaang lungsod ng San Pedro na masisiguro na ang bawat San Pedrense ay maninirahan sa isang pamayanan na ligtas at kaaya-ayang tirhan, lalo na sa isang lungsod na itinuring nang "dormitory city" ng lalawigan ng Laguna.


(OpinYon News Team)



#OpinYonLaguna #SanPedro #environment


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.