Hinihinalang biktima ng paghihiganti o summary execution ang isang lalaki na natagpuang patay sa gilid ng daan sa San Pedro City, Laguna noong nakaraang Miyerkules, April 15.
Kinilala ng San Pedro City Police Station ang biktima na si alyas "Jun," nasa hustong edad at residente ng Sitio Bayan-Bayanan, Barangay San Vicente ng nasabing lungsod.
Ayon sa mga awtoridad, pasado alas-sais ng gabi ng Miyerkules nang iulat ng isang concerned citizen ang pagkakadiskubre sa bangkay ng biktima sa gilid ng daan sa Southville 3A sa Barangay San Antonio.
Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, nakitaan ng tama ng bala ang biktima sa kanyang katawan.
Ayon naman sa mga kaanak ng biktima, nasangkot na umano dati sa krimen ang biktima, ngunit hindi na sila nagbigay ng detalye hinggil dito.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente.

