Karaniwan nang stereotype sa mga driver ng pampublikong sasakyan ang pagiging "babaero" o "manyakis" na karaniwang target ay ang mga kababaihan, lalo na ang mga estudyante.
Ito ngayon ang imaheng nais burahin ng pambansang kapulisan kasabay ng paglulunsad nito ng "Bawal Bastos" campaign sa lalawigan ng Laguna ngayong Lunes, December 16.
Pinangunahan ni Police Regional Office (PRO) Calabarzon Regional Director P/BGen. Paul Kenneth Lucas ang ceremonial placement ng mga "Bawal Bastos Law" sticker sa mga public utility vehicle (PUV) gaya ng jeepney at tricycle sa harap ng Camp Vicente Lim sa Calamba City.
Sa nasabing event, pinaalalahanan ni Lucas ang mga PUV driver ukol sa "Bawal Bastos Law" o Republic Act No. 11313, na nagbabawal sa lahat ng uri ng "gender-based harassment" sa mga pampublikong espasyo, lalo na sa mga PUV.
Sa ilalim ng nasabing batas, maaaring patawan ng anim na buwan hanggang dalawang taong pagkakakulong o multang aabot sa P100,000 hanggang P500,000 ang sinumang mapapatunayang lumabag sa "Bawal Bastos Law."
Maaari ring makansela ang prangkisa ng sasakyan o ma-revoke ang lisensya ng mga drayber na mapapatunayang nang-abuso sa kanilang mga pasahero, dagdag pa ng opisyal.
"Through this campaign, the Philippine National Police hopes to create a safer and more respectful environment, especially for women and other groups that are often the targets of harassment. These stickers serve as tools for education, helping to raise awareness and encourage better behavior among public transport operators and passengers alike," pahayag ni Lucas.
(Larawan mula sa Police Regional Office 4A Facebook page)
#OpinYonNews #PNP #BawalBastos #LagunaNews