Sa Pilipinas, ang labanos o radish ay karaniwang isinasahog sa mga lutong ulam gaya ng sinigang, o di kaya ay ginagawang atsara.
Pero alam ba ninyo na pwede pala itong gawing plant-based meat alternative?
Ito ang winning formula ng dalawang San Pedrense entrepreneurs na binigyang-pugay kamakailan ng Department of Agriculture (DA) - Calabarzon sa Young Farmers Challenge (YFC).
Kabilang sa mga naging provincial winner sa lalawigan ng Laguna sina Bryan Angelo Andion at Kyla Jhoy Cruz ng Barangay Cuyab, mga mag-aaral ng University of the Philippines - Los Baños campus.
Kinilala ang kanilang entry na “RadBae” sa mga nangibabaw na makabagong enterprise ideas sa nasabing kompetisyon.
Ang RadBae ay isang makabagong food product na kung saan ginagawang plant-based bacon alternative ang locally grown na labanos.
Layunin ng nasabing start-up na punan ang lumalakas na demand sa mga plant-based meat alternatives, gayundin ang lumikha ng karagdagang halaga para sa mga lokal na magsasaka.
"Buong pagmamalaki at pasasalamat naman ang ipinapaabot ng Pamahalaang Lungsod ng San Pedro sa ating mga natatanging kabataang San Pedrense. Ang inyong tagumpay ay patunay ng husay, pagkamalikhain, at potensiyal ng kabataang San Pedrense sa larangan ng agrikultura at entrepreneurship," pahayag ng San Pedro City LGU.
Ang Young Farmers' Challenge ay isang kompetisyon na inilunsad ng DA - Calabarzon upang hikayatin ang mga kabataan, partikular na ang mga college student, na makapag-ambag ng mga makabagong ideya sa larangan ng agri-business.
(OpinYon News Team)
#OpinYonLaguna #SanPedroLaguna #YFC

