Hindi lamang pagpapayabong ng sining at kultura ang tampok sa Biñan City, Laguna ngayong Museums and Galleries Month.
Alam ba ninyo na mayroon ding kalakip na tulong ang idinaraos ngayong art exhibit sa Sentrong Pangkultura ng Biñan?
Sa isang Facebook post, ibinahagi ng Biñan City Culture, History, Arts and Tourism Office (BCHATO) na may "worthy cause" na siyang magiging benepisyaryo ng "Innocence: Canvas of Hope" exhibit na nagtatampok ng mga local artists sa lungsod, kabilang na ang Jem at Matias Art (Jem Garcia at Michael Zarate sa tunay na buhay).
Dalawampung porsiyento ng kikitain sa mga maibebentang likhang-sining ay mapupunta sa Kalinga ng AnGEL Foundation, isang organisasyong naglalayong makatulong sa mga batang may kanser sa Biñan City.
Ang nasabing foundation ay itinatag ng Jhozalyn Alonte, asawa ni Biñan City Mayor Gel Alonte, bunga ng personal nilang karanasan sa sakit na cancer.
Sinabi noon ni Mayor Alonte na malapit sa puso niya ang Kalinga ng AnGEL, habang ang naging karanasan nila sa kanilang anak ang siyang naging sandigan nila upang mapunan ang mga pangangailangan - medikal, pisikal at maging emosyonal - ng mga kabataang Biñanense na nakikipaglaban sa naturang sakit.
"Kalinga ng AnGEL stands as a symbol of hope and resilience, offering a lifeline to those facing the challenges of terminal illness in Biñan City," ayon sa BCHATO.
Bukas ang "Innocence: Canvas of Hope" exhibit sa Sentrong Pangkultura ng Biñan mula October 10 hanggang 30.
(OpinYon News Team)
#OpinyonLagunaNews #BinanLaguna

