Magkaibigan, tagumpay sa negosyong ‘Buko De Halo- Halo’ sa Tayabas City photos from Juan's famous Buko de halohalo
Quezon

Magkaibigan, tagumpay sa negosyong ‘Buko De Halo- Halo’ sa Tayabas City

Aug 19, 2021, 5:28 AM
Jeanelle Abaricia

Jeanelle Abaricia

Writer

Ginawang pagkakataon ng dalawang professional worker sa Tayabas City ang pandemya upang simulan ang isang negosyo ng halo-halo na agad pumatok sa mga residente.

TAYABAS CITY, Quezon – ISANG malaking pagsubok sa marami nating mga kababayan ang pagtatayo ng negosyo lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Ngunit nakakita pa rin ng magandang pagkakataon sina Fitz Shiodo at Daryll Orillo na magtayo ng sarili nilang kainan sa Barangay Mate, Tayabas City.

Nitong nakaraang Marso 20 ay binuksan ng dalawa ang

Juan's Famous Halo-Halo, gamit lamang ang isang tent, kaunting mga mesa at upuan at puhunang P200,000.

Hindi nila inakalang dudumugin sila ng mga kustomer sa unang araw ng kanilang operasyon.

"Nagstart kami sa simpleng halo- halo na ang target namin ay 20 pieces na halo-halo sa opening. Pero sa isang oras pa lamang, sold out agad. Simpleng ihaw-ihaw lang, walang rice basta mga street food lang,” kuwento ni Daryll Orillo.

Si Daryll ay nagtatrabaho bilang programmer at analyst sa isang bangko habang si Fitz ay account manager sa isang e-commerce company.

Naisipan ni Daryll na magbukas ng sarili niyang negosyo upang matulungan ang kanyang mga pamangkin at kapitbahay na nawalan ng trabaho ngayong panahon ng pandemya.

Kinuha niyang partner si Fitz na may karanasan na sa pagnenegosyo, lalo na sa industriya ng pagkain.

"Nag-observe kami sa mga ibang kainan dito sa Tayabas, yung ganda ng location. Ang intensyon lang namin yung mga sobrang tao sa ibang kainan ay sa amin mapunta kaya kami nagtayo ng negosyo,” ani Fitz.

Ang specialty ng naturang kainan ay “Buko Halo-Halo” na nakita ni Daryll sa kanyang pagbisita noon sa South Cotabato.

Hinango naman sa vlogger na si Juan Travel ang pangalan ng kanilang kainan.

“Sa unang pagtatayo ng negosyo, ang dami naming naging problema,” kuwento ng mag-partner sa negosyo. “Nagkulang ang ingredients, nasira yung freezer. Pero sobrang nakakatuwa yung improvement, day by day, hanggang ma-perfect namin."

Kalaunan, nagpatupad ng lockdown sa Tayabas City at nagkaroon ng “No Dine In Policy.”

Ngunit ginawa itong pagkakataon nina Daryll at Fitz upang mas pagandahin pa ang kanilang puwesto.

Dinagdagan nila ng upuan ang kainan, pinaganda ang landscape at naglagay pa ng kubo sa lugar.

Sa kasalukuyan, aabot na sa 300 piraso ng halo-halo ang naibebenta nila sa loob lamang ng isang araw.

“Mas dumami ang pumupunta nung lalo naming pinaganda yung lugar. Una din naming naging customer ay mga kamag anak at kaibigan. Two weeks to one month bago namin na-perfect yung lasa ng halo-halo namin," paliwanag nila.

Sa tuwing nakakaranas sila ng negatibong komento patungkol sa lasa ng pagkain, lugar at iba pa agad nilang inaayos para maperpekto ang lasa at paligid.

"Thankful ako sa lahat,sobrang bilis ng pangyayari, mula sa mga employee from the first week sila yung nagtulong -tulong na walang bayad o sweldo noong nagsisimula kami,” ani Daryll.

Tags: #OpinYonQuezonin, #TayabasCity, #featurestory, #JuansFamousHaloHalo


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.