TANAUAN CITY- MALUGOD na pinasalamatan ni Mayor Angelene “Sweet” Halili ang Zuellig Pharma matapos itong maghandog ng donasyong 10,000 doses ng anti-flu vaccine para sa mga residente ng lungsod na ito.
Naisakatuparan ang naturang donasyon sa pamamagitan ng tanggapan ni Vice Mayor Atty. Junjun Trinidad.
Dahil dito, hinihikayat ng LGU ang mga residente na makipag-ugnayan sa kani-kanilang barangay health personnel upang mabakunahan ng anti-flu vaccine.
Sinimulan na nitong Biyernes, Nobyembre 26, 2021, ang pamamahagi ng naturang mga bakuna.
Ayon naman sa city health office (CHO), ang mga maaaring bakunahan ay ang mga nasa edad tatlong taong gulang pataas ngunit binibigyang prayoridad ang mga "senior citizen" at mga "immunocompromised individual."
Ipinagbigay alam din ng CHO na ang lahat ng tatanggap ng flu vaccine ay walang ibang tinanggap na bakuna sa nagdaang dalawang linggo.
Idinagdag pa ng CHO na sumangguni lamang ang lahat sa mga barangay health workers para sa mga karagdagang katanungan. (IAm/OpBats)