ZERO  COVID
COVID-19

ZERO COVID

Back To School Na

Mar 28, 2022, 5:22 AM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

STO. TOMAS CITY – Wala nang kaso ng Covid-19 sa magkatabing lungsod ng Sto. Tomas at Tanauan sa lalawigan ng Batangas sa loob ng halos dalawang linggo. Wala na ring suspected Covid-19 patient sa mga hospital dito o actibong kaso na dulot ng Wuhan coronavirus.

Sa buong Pilipinas, umabot na sa halos 60,000 ang namatay sa sakit na ito na dumapo sa may 3,675,821 Filipino simula pa noong Marso 2020.

Gayunpaman, patuloy ang paalala ng mga pinuno ng pamahalaang lokal sa pangunguna nina Mayor Edna P. Sanchez at Mayor Angeline Sweet Halili na huwag maging kampante, panatilihan ang disiplina, magpabakuna at palagiang sumunod sa mga health and safety protocols.

Wala ring tigil sa pag-arangkada ang vaccination program para sa lahat ng prayoridad na grupo kaya naman pinapaalalahanan ang publiko na manatiling nakaantabay sa lahat ng anunsyo ukol sa bakuna.

Meron Pa Rin

Samantala, ang mga lungsod ng Batangas at Lipa ay nananatiling Top 1 at Top 2 na mayroon pa ring manakanakang kaso at active Covid cases.

Nitong nakaraang linggo lamang, nagtala ang Batangas City ng tatlo pang bagong mga kaso ng Covid. Isang naman ang pasyenteng gumaling na. Sampu naman ang kasalukuyang active cases dito.

Sa kabuuan, nasa 15,242 Covid cases na ang naitala sa Batangas City simula pa noong outbreak dalawang taon na ang nakalilipas.

Sa kabilang banda, ang lungsod Lipa ay nag-ulat na mayroon itong nag-iisang bagong kaso ng Covid noong nakaraang Martes, March 22, dalawa ang nakarekober, at may walo pang active cases.

Ang Lipa City, na may pinakamaraming perang nakadeposito sa bangko sa lahat ng local government units o LGU sa buong lalawigan, ay nagkaroon na ng 11,827 kabuuang kaso sa Covid.

At dahil ang provincial health office ay tumigil na sa pagbibigay ulat ng Covid, patuloy ang pagbulusok ng mga kasong Covid sa ibang parte ng lalawigan.

Kasalukuyan ay nasa Alert Level 1 ang Batangas province hanggang sa katapusan ng buwang Marso.

F2F Classes

Patuloy na rin ang paghahanda ng lahat ng 34 na mga LGU ng Batangas sa pagbabalik ng face-to-face classes ng mga bata bagama’t limitado muna.

Sinabi ng public information office ng Batangas City ay nadagdagan pa nitong Lunes, Marso 21, ng 43 public elementary schools, siyam na senior high schools sa lungsod na ito ang mga nagbukas na ng limited face-to-face classes sa likod ng patuloy ng pananahimik ng mga kaso ng Covid-19.

Ang naturang bilang ng mga eskuwelahang nabanggit ay karagdagan sa 20 na paaralan na nagbukas noong March 7, at walong paaralan naman noong March 14.

Limitadong Magaaral

Isa ang Batangas City East Elementary School (BCES) sa nagsimula ng klase ngayong araw (Lunes, 21 March 2022) kung saan ayon sa kanilang Principal na si Gng. Amparo Perez ay hinati nila sa dalawang batch ang mga estudyante.

Kung mayroong 60 estudyante sa isang section, ginawa nilang tig-30 na mga bata ang bawat batch.

“Inuna namin ang mga bata sa ikaanim na baitang at nakabuo kami ng anim na sections. Isusunod namin ang grades 4 and 5 gayundin ang kinder hanggang grade 3,” sabi ni Perez.

“Magsisimula sila ang klase ng ikapito ng umaga at matatapos ng 11:30. Ang unang batch ang papasok ngayong week na ito samantalang yung ikalawang batch ang modular learning. Dalawang oras kada subject at ang unang oras ay nakalaan sa review at checking ng mga modules,” dagdag pa niya.

Halos ganito din ang istratehiyang ginawa ng pamunuan ng Batangas City South Elementary School (BCSES).

Ayon sa Principal nito na si Gng. Gemma De Torres, Grades 1-6 kasama ang senior high school students ang naunang pumasok dahil halos lahat ng mga magulang ay pumayag na magkaroon na ng face to face classes ang kanilang mga anak.

“Hinihikayat namin na mag-stay muna sa holding area ng paaralan ang mga magulang. Ang mga teachers na ang bahalang sumundo at maghatid sa mga bata sa oras ng kanilang pagpasok at paglabas sa kanilang kwarto”, sabi ni De Torres.

Mahirap Ang Modules

Bagamat naninibago, magkahalong excitement at tuwa naman ang naramdaman ng Grade 6 student na si James Amorado.

Ayon sa kaniya, sa halos dalawang taon na online at pagtigil sa bahay, masayang-masaya aniya siya sa muling pagkikita nila ng kaniyang mga guro, kaklase at mga kaibigan.

Labis din ang tuwa ng magkaklaseng Kid Vergel Mendoza at Stephanie Nicole Silva.

Anila, mas maganda ang face to face classes sapagkat bukod sa mahirap magsagot ng mga modules, mas madali nilang natutunan ang mga subjects dahil present ang mga teachers nila para gabayan sila sa kanilang pag-aaral.

Samantala, sinisiguro ng DepEd Batangas City ang striktong pagpapatupad ng minimum public health standards sa mga paaralan para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

Ang iba pang LGU ng Batangas ay patuloy na rin ang paghahanda sa pagbabalik ng mga bata sa kani-kanilang mga silid paaralan. (OpBats/Ogima)


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.