Ito ang mga katagang bumabalot ngayon sa mga kamag-anakan at pamilya ng nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon matapos na pakawalan ang tinaguriang prime suspect na si Maj Allan de Castro sa restrictive custody ng pulisya sa Region 4A.
Bagama’t dineklara ni Philippine National Police chief General Benjamin Acorda Jr na kanilang bibigyan ng kaukulang proteksyon ang pamilya ng nawawalang beauy queen na isa ring high school English teacher ng Tuy, Batangas, hindi pa rin maalis ang takot sa pamilya nito dahil sa impluwensya rin diumano ni de Castro na dating hepe ng pulisya sa Bauan, Batangas.
Maliban pa rito, nag-aalala rin ang ilan ayon sa ulat ng Sikat Trends sa YouTube na baka makagawa pa ng hakbang ang suspect na makatakas sa ibang bansa kahit na ipinangako ni Acorda na “imo-monitor” ng PNP diumano ang “movements” ni de Castro.
Maging si Sen. Raffy Tulfo ay nakamonitor din sa kaso at nag-aalala rin siya na baka bukas makalawa ay makatakas na si de Castro sa Hong Kong o sa kung saan man at tuluyang maiwasan ang kasong kinakaharap.
Naglabas din ang mambabatas ng kalahating milyon (P500,000) noon na pabuya sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ng dating driver ni de Castro na sangkot din sa kaso.
“Kapag pulis ang nasasangkot, binebeybi ng pulisya. Pero kung ordinaryong mamamayan ito, malamang na patay na ito,” diin pa ni Tulfo sa kanyang Radio program.
Ang netizens sa social media ay samu’t-saring mga komento rin ang mga pinakawalan ng mga ito na hitik sa hinagpis sa pagbibigay ng kalayaan kay de Castro.
Sa press conference noong Lunes (22 Jan 2024), ipinahayag ni Acorda na ang pagpapalabas kay de Castro, apat na araw matapos ang pahayag ng PNP ng kanyang pagsibak sa serbisyo, ay sa kadahilanang “hindi na bahagi ng serbisyo si de Castro” kung kaya’t “wala nang awtoridad ang PNP na ipagpatuloy ang kanyang pangangalaga,” ayon kay Acorda.
Hindi pa rin naglabas ng mga warrant of arrest ang korte laban kay de Castro, at sa kanyang driver na si Jeffrey Magpantay, at dalawa pang John Does.
Sumuko si Magpantay sa pulis noong Enero 9, dahil pinili nito na manatili sa pangangalaga ng pulisya habang wala pang warrant of arrest laban sa kanya.
Ang mga kaso ng pagkawala at malubhang ilegal na pagkakakulong laban kay de Castro at kanyang mga kasamang akusado ay patuloy na nakabinbin din ngayon sa opisina ng piskal sa Batangas.
Ang pagtanggap ng dismissal ni de Castro ay nilagdaan ni Calabarzon regional police director Paul Kenneth Lucas noong January 16, 2024 matapos siyang mapatunayang guilty sa administratibong mga kaso para sa di-nararapat na asal ng isang pulis (conduct unbecoming).
Ayon kay Lucas, natuklasan ng mga imbestigador ang "evidence ng isang lihim at extra-marital affair" sa pagitan ni De Castro at ng nawawalang si Catherine Camilon.
"Simula nang siya ay masibak sa serbisyo, siya ay pinalaya na mula sa aming pangangalaga, ibig sabihin, hindi na siya kasama sa amin," sabi ni Acorda tungkol kay de Castro, na hindi nagsabi kung kailan eksaktong pinalabas ang suspek mula sa pangangalaga ng pulisya.
"Ngunit, ang imbestigasyon sa krimen ay itutuloy pa rin ng PNP. Hindi namin ito iiwanan," dagdag ni Acorda.
Si de Castro, na dati ring deputy chief ng Batangas provincial police drug enforcement unit, ay inalis sa kanyang pwesto at inilagay sa pangangalaga ng Calabarzon regional police office dahil sa alegasyong sangkot siya sa pagdukot kay Camilon.
Nang tanungin kung aalamin ng PNP ang kinaroroonan ni de Castro pagkatapos ng kanyang paglaya, sinabi ni Acorda: "Oo, siyempre. Ito ay magiging bahagi ng aming pagsisikap."
Si Camilon, na nananatiling nawawala, dapat sana'y makipagkita kay De Castro noong Oktubre 12.
Mayroon ding lumabas na mga ulat dati na nag-away nang matindi sina de Castro at Camilon dahil kinausap diumano ng huli sa telepono ang asawa ng una at isiniwalat ang kanilang sikretong relasyon.
Nang araw na nawala si Camilon, nakita naman diumano si Magpantay ng dalawang saksi na inililipat ang sugatang si Camilon mula sa kanyang sasakyan patungo sa isang sports utility vehicle (SUV) na natagpuan sa Batangas City noong Nobyembre 9, 2023.
Natagpuan ng mga imbestigador ang mga buhok at mantsang dugo sa loob ng SUV. Ayon sa forensic examination, ang mga buhok at dugo ay tumutugma sa DNA samples na kinuha mula sa mga magulang ni Camilon sa Tuy, Batangas.
Hindi naman nakuhanan ng DNA samples ang mga nasasangkot dahil ayon sa PNP, hindi pwedeng pilitin ang sinuman na ayaw magbigay na DNA sample dahil karapan ito ng lahat.
Sinabi pa ni Acorda na patuloy siyang umaasang buhay pa si Camilon.
"Patuloy pa rin nating iniimbestigahan kung buhay pa ang biktima. Umaasa pa rin kami na siya ay buhay at ginagawa namin ang aming makakaya (upang hanapin siya)," sabi ni Acorda.
#OpinYonBatangas #CoverStory #TakotAtPangamba #CatherineCamilon #AllanDeCastro #PNP #BenjaminAcorda #OpinYon #WeTakeAStand