Taal volcano Alert Level No. 2 pa rin; contingency plan nilinang ng PDRRMC at PPOC photo from Batangas PIO
Taal Volcano

Taal Volcano Alert Level No. 2 pa rin; contingency plan nilinang ng PDRRMC at PPOC

Oct 11, 2021, 8:24 AM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

Sa pamamagitan ng mga amendment, inaasahang mas maproprotektahan ang populasyon sa mga kritikal na panganib, at magiging mas maayos at nasa oras ang pagtugon ng pinagsama-samang mekanismo ng lalawigan ng Batangas.

BATANGAS CITY – Tinalakay kamakailan ang contingency plan ng Batangas ng joint council meeting sa pagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) at Provincial Peace and Order Council (PPOC) ang mga alituntunin sakaling muling magalburuto ang Bulkang Taal at sakali mang tumaas pa lalo ang kaso ng Covid -19 sa probinsya.

Inilatag kay Batangas Governor DoDo Mandanas ng mga kinatawan ng PDRRMC, na pinangunahan ni Batangas PDRRMO Chief Lito Castro, ang PDDRMC Resolution No. 91, series of 2021, na nagsasaad ng ilang susog sa Contingency Plan para sa Taal Volcano, bunsod ng ilang mga bagong plano na isasagawa ng Protected Area Management Board (PAMB), na direktang nangangalaga sa Taal Volcano Protected Landscape.

Ang ilang mga pagbabago sa contingency plan ay batay na rin sa kasalukuyang sitwasyon, kung saan patuloy ang pagbuga ng sulphur dioxide ng bulkan simula noong Hulyo 2021.

Iniulat ni Taal Volcano Resident Volcanologist Paulo Reniva ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), na patuloy ang mga mahihina ngunit maramihang pagyanig sa paligid ng Volcano Island at naitala ang pinakamalakas na pagbuga o steam emission ng sulphur dioxide, na umaabot sa 25,456 tonelada at may taas na 3,000 metro, noong ika-5 ng Oktubre, daan upang panatilihin ng Phivolcs ang Alert level 2 sa paligid ng lawa at ng Volcano Island.

Sa patuloy na aktibidad ng bulkan, suportado ng PAMB ang pagsususmite ng mga lokal na pamahalaan sa paligid ng lawa ng kanilang pinagbuting mga plano, na inaangkop sa katatayuan ng kanilang mga lokal na pamahalaan, kabilang ang pagsasaayos ng evacuation plans at command post updating process.

Sa pamamagitan ng mga amendment, inaasahang mas maproprotektahan ang populasyon sa mga kritikal na panganib, at magiging mas maayos at nasa oras ang pagtugon ng pinagsama-samang mekanismo ng lalawigan ng Batangas.

Aprobado din ng PDRRMC ang Resolution No. 47 o ang Realignment and Utilization ng 70 porsiyento ng itinalagang Local Disaster Risk Reduction Management Fund mula 2018 upang magamit para sa Fiscal Year 2021, na may halagang mahigit ₱21 milyon.

Sa hanay naman ng PPOC, ibinahagi nito, sa pangunguna ng Department of the Interior and Local Government, mga Law Enforcement and Emergency Response Services, at Provincial Health Office, ang patuloy na pagtugon sa Covid-19, tulad ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa National Covid-19 Task Force para sa kaayusan at pagpapatupad ng mga quarantine protocols.

Patuloy din ang pamahalaang panlalawigan sa vaccination program nito at ilang mga pag-aral sa paggamit ng mga alternatibong mga gamot, bukod sa bakuna, para labanan ang coronavirus.

Kamakailan ay sinusugan ng provincial health office ang rekomendasyon ni DOH-Calabarzon Director Eduardo Janairo ang paggamit ng lalawigan ng tinguriang “wonder drug” na Ivermectin. (Ismael Amigo/OpinYon Batangas)

Tags: #OpinYonBatangas, #disasterriskmanagement, #TaalVolcano, #Covid19, #contingencyplan


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.