Sto. Tomas, uunlad pa
Local Government

Sto. Tomas, uunlad pa

Dec 19, 2023, 2:50 AM
Opinyon Batangas News Team

Opinyon Batangas News Team

Writer

Isang higit na maunlad na lungsod ng Sto Tomas ang inaabangan ng lahat sa susunod na taon, 2024.

Ngunit kasabay nito ay ang ibayong pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga lansangan ng siyudad, lalo na sa Maharlika highway na siyang main road na tinatahak o dinadaanan ng mga motoristang patungong Quezon, Bicol, Visayas at maging Mindanao.


"Kalakip po talaga sa pag-unlad ng isang local government unit na gaya ng Sto Tomas ang pagsikip ng daloy ng trapiko," wika ni Marcos Victor Cornejo, admin assistant ng city planning and development office ng lungsod.


Sobrang naranasan ng publiko ang pagsisikip ng daloy ng trapiko ilang araw matapos na magbukas ang SM City Sto Tomas noong huling linggo ng Oktubre ngayong taon.


Ito na rin ang naging dahilan kung bakit karamihan ng mga residente rito ay umiiwas tumungo ng SM Sto Tomas lalo na noong hindi pa naisasakatuparan ang alternate routes upang makaiwas sa trapiko sa may SM.


Mayroon isang village sa likod ng NDN Grand Hotel ang napakiusapan na magbigay daan sa private car owners na patungong Bicol upang makaiwas sa tindi ng trapiko pagkalagpas lamang ng roundabout na malapit sa SM.


Mayroon ding hiwalay na daan sa Barangay San Roque subalit mas malayo ito nang isang kilometro.


"Hindi naman po tayo tumitigil sa paghahanap ng mga solusyon upang maibsan ang traffic," paliwang pa ni Cornejo.


"Patuloy po nating minamatyagan ang mga lansangan upang mahanapan ng lunas ang mga maaring madaanan ng mga motorista upang makaiwas kapag mayroong pagsisikip sa trapiko," dagdag pa niya.


Ang opisina ni Cornejo ay siyang rektang may kinalaman sa batas trapiko ng lungsod ng Sto Tomas.


Ayon pa kay Cornejo, panimula pa lamang ang pagbubukas ng SM City Sto Tomas sa lungsod.


Aniya pa, may kasunod pa itong malalaking commercial buildings sa ilalim ng pamumuno ni city mayor Atty. Arth Jhun Marasigan.


Aprubado na aniya pa ang blueprint ng S & R Membership Shopping na nakatakdang itayo na mismong katapat ng SM STC.


May mga nagsasabi rin na nilalakad na rin ng Robinson's ang approval ng intention nitong magtayo ng isa ring mall sa 'di kalayuan ng SM.


Maliban sa trapiko, mas tinitingnan ng mga Tomasino ang kaakibat na job opportunities na mabubuksan o maidudulot ang mga nakaambang pagtatayo ng malalaking commercial centers sa Sto Tomas.


Tinatayang makapagbibigay ng halos isanlibong trabaho ang S & R para sa mga Tomasino at mga karatig-bayan ng LGU.


Katunayan, nagsimula na ang hiring sa S & R batay na rin sa post nito sa Facebook.


Ang Robinson's ay wala pang anunsyo sa kasalukuyan.


"Basta, marami pang ibang malalaking proyekto ang nakatakdang buksan sa lungsod ng Sto Tomas sa susunod na taon," diin pa ni Cornejo.


Ang lungsod ng Sto Tomas ay naging ganap na lungsod noon lamang taong 2019, tatlong buwan bago pumutok ang Covid-19.


Ito ang dahilan kung bakit hindi naisagawa ang cityhood celebration nito ng dalawang sumunod na taon dahil sa pandemya.


Ang Sto Tomas ay itinuturing bilang "Gateway to the Province of Batangas."


Isa lamang ito sa apat na lungsod kabilang na ang Lipa, Tanauan, at Batangas City.

#OpinYonBatangas #CoverStory #StoTomasUunladPa #StoTomas #Traffic #SM #OpinYon #WeTakeAStand


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.