SC booklets mainam ngang ipagbawal na
iTalk

SC booklets mainam ngang ipagbawal na

Feb 21, 2024, 5:39 AM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

Magandang panukala ito ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan na ipagbawal na ang booklets ng senior citizens na hinihanap parati ng botika sa tuwing bibili sila ng gamot o anumang pangangailangan.

Ngunit saganang akin ang hindi dapat na alisin ay ang resita pa rin ng doktor sa kung anong klaseng gamot ang bibilhin ng mga dual citizens ng ating bansa.


Ito po ay sa kadahilanang pupuwede po itong abusuhin o pagsamantalahan ng lahat ng may pangangailangan sa gamot kung kahit na walang dalang resita ay makakabili na ng kailangan ng gamot.


Kawangis ito sa isyu ng Voter’s ID na hinihingi sa tuwina ng mga opisina ng local government officials sa mga manghihingi ng cash ayusa sa kanilang hospital bills. Kailangan daw ang Voter’s ID upang maiwasan ang pang-aabuso sa kalabit-penge ng ayuda.


Marami pa naman ang bilang ng mga senior citizens sa bansang ‘Pinas.


Dito lamang sa lungsod ng Sto. Tomas, ay nasa 17,000 (and counting) na ang bilang ng mga senior citizens.


Inaasahang pumalo ito sa 20,000 sa katapusan ng 2024 ayon sa OSCA (Office of the Senior Citizen Affairs).


Si Baguio Rep. Mark Go ang siyang nanawagan sa Department of Health (DOH) na alisin na ang purchase slip booklet bilang mandatory requirement para makakuha ng diskwento ang mga lolo at lola sa pagbili ng gamot at iba pang pangangailangan, sa pamamagitan ng isang panukalang batas.


Sa ilalim ng House Resolution 1263 ng mambabatas ipinunto nito na nahihirapan ang mga senior citizen na maka-avail ng kanilang 20% discount na benepisyo sa gamot at bilihin dahil kailangan muna maipresinta ang naturang purchase booklet.


Dagdag pa ni Go, nagdulot din ng kalituhan ang ilang panuntunan na inilabas ng kagawaran.


Sa Administrative Order (AO) 2010-0032 ng DOH na inilabas noong 2019 nakasaad aniya na kailangan ang purchase slip booklet bilang documentary requirement na ipapakita ng senior.


Ngunit sa bagong AO No. 7, hindi naman isinama ang naturang booklet bilang requirement para sa 20% discount.


Dahil aniya dito, mas mabuti na repasuhin na ng DOH ang guidelines at alisin ang mandatory na pagsusumite ng purchase slip booklet.


Hindi lamang sa mga botika hinahanap ang booklet.


Maging sa mga grocery ay hinahanap din ito.


At nakasulat lamang doon (booklet) ang mga items na pupuwedeng bigyan ng 20% discount.


Mga pangunahing pangangailangan lamang ng mga lolo at lola ang mga nakasulat sa naturang booklet.


Isa na rito ay mga detergent, sabong pampaligo, gatas, atbpa.


Ang dahil din marahil dito kung bakit nilimitahan ang mga items na pupwedeng bigyan ng diskwento ay ang kadahilanan pa rin na maaaring abusuhin ito ng tao kung lahat ng bilihin sa grocery ay puwedeng bigyan ng discount.


Kapag nagkaganito, malamang na mapupuno ang mga grocery ng senior citizens dahil sila ang aatasan na mamili sa grocery.


Pero sakaling maging ganito man, hindi naman ito nangangahulugan ng pagkalugi ng grocery o ng mga botika kasi inaawas naman ito sa kanila sa pamamagitan ng tax write-offs.

--

#OpinYonBatangas #WeTakeAStand #iTalk #OpinYon



We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.