‘Psst… Taxi!’
Transport

‘Psst… Taxi!’

Jan 10, 2022, 2:25 AM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

STO TOMAS CITY- MAY pagtutol man ang karamihan ng mga Batangueño ukol dito ngunit lubhang hindi na mapipigilan pa ang implementasyon o ang pagkakaroon ng mga taxi ang limang lungsod sa Calabarzon kasama na ang Lipa at Batangas City.

Isa si Lipa City Mayor Eric Africa sa mga unang umayaw na magkaroon ang kanyang lungsod ng taxi services dahil aniya hindi napapanahon lalo na’t meron na namang pagsirit ang Covid sa buong bansa.

Ngunit ‘ika nga, sa ngalan ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng Department of Transportation na nagbigay mandato sa Land Transportation Franchising Regulatory Board kailangang maisakatuparan ngayong taon ang Memorandum Circular No. 2018-006.

“The DOTr has given the LTFRB the authority to deliberate and take appropriate action on proposed new/additional routes pursuant to Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) and Memorandum Circular No. 2018-006,” sabi ng isang dokumentong tinanggap ng UP Law Center noong July 22, 2021.

“On the basis of the result of the survey conducted by the concerned Regional Franchising Regulatory Office, the required number of taxi units are being identified.”

Idinagdag pa ng DOTr na may lima itong inaprubahan na mga lungsod sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) na magkaroon ng CPCs o bagong certificates of public convenience o prankisa.

Ang limang nabigyan ng approval ng DOTr-LTFRB na magkaroon ng taxi services ay ang mga lungsod ng Lipa, Batangas City, San Pablo City (Laguna), Tagaytay (Cavite), at Lucena City.

Pawang nasa Region 4A o Calabarzon ang nabanggit na mga lungsod.

Magugunitang sinabi noong nakalipas na July 2021 ni Lipa City Mayor Eric Africa ang kanyang mariing pagtutol sa naturang plano ng Calabarzon-LTFRB sa isang television interview.

“Sa gitna ng pandemya at pagsirit ng mga kaso Covid, sa tingin ko hindi maganda ang timing ng pagkakaroon ng taxi sa lungsod ko o sa kahit saang lugar pa ng Batangas,” aniya.
“Kung ito’y ipapatupad ngayong panahon ng pandemya, malamang na ito’y maging instant super spreader ng coronavirus o Covid-19,” dagdag pa ni Africa.

Mayroon din ininterview ang OpinYon Batangas na isang tricycle driver at nagpahayag din ito ng pagtutol.

“Dati noong wala pang pandemya kumikita po kami ng mga isanglibo (P1,000) kada-araw. Ngayong may pandemya masuwerti na maka-P500 po kami. At lalo na po siguro kung magkakaroon pa ng mga taxi dito sa Batangas baka wala na kaming kitain pa,” wika ng trike driver na ayaw pabanggit ng pangalan.

Ayon naman kay LTFRB legal division chief Atty. Winnie Fred Ola, matagal na diumanong pinag-aralan ang implementasyon ng pagkakaroon ng taxi sa buong Calabarzon upang magkaroon ng options ang mga pasahero lalo na’t nasa gitna ng pandemya ang bansa at kulang ang transportasyon para sa commuters na kakaunti lamang ang laman hindi gaya ng bus at jeepneys.

“Matagal na hong pinag-aralan ito ng LTFRB. At sa tingin po naman ay mas na kailangan ito ng publiko lalo na’t nasa gitna ng pandemya ang bansa at kulang ang mode of transportation,” wika ni Ola.

Idinagdag pa ni Africa na kailangan pa muna ng pag-uusap ang lahat ng mga mga local chief executives sa lahat ng LGUs ng lalawigan bago maipatupad ang pagkakaroon ng taxi sa Batangas.

Mayroon din namang payag na mga pasahero magkaroon ng taxi sa lalawigan.

“Eh grabe naman kc sumingil ang mga tricycle driver sobra cla di tamang rate at least sa taxi alam mo na tama ang ibabayad kc me metro,” sabi ng isang nagngangalang Erma Caravana sa kanyang social media post.

Kasama ang Lucena, ang Batangas City at Lipa City at binigyan ng LTFRB ng hanggang 100 units lamang ng mga taxi habang ang San Pablo City ay hanggang 80 units lamang.

Sa hindi malamang dahilan, ang Tagaytay ang siyang binigyan ng pinakaraming unit ng taxi na aabot hanggang sa 300.

Nakasaad sa bagong binitawang prangkisa ng LTFRB na pawang brand new units lamang ng taxi sa naturang mga lalawigan ang pwedeng ibiyahe.

Sa ngayon ay nagbibigay na ng mga “patikim” o libreng sakay ang mga may aprubado nang mga prankisa sa Batangas City at Lipa City.

Isa na rito ang Idol Taxi ng NGC Express Logistics, Inc. ng Batangas City.

Ang lahat ng mga bagong taxi na lalabas sa nabanggit na mga lungsod ay pwedeng bumiyahe “to any point of Region 4A” ayon sa LTFRB.

Ang naturang mga taxi ay mayroong mga nakakabit na official receipt dispenser sa may dashboard kung kaya’t hindi madadaya ang commuters sa kanilang babayarang pamasahe.

Ang pagbibigay naman ng mga tip sa taxi driver ay nakadepende na sa pasahero.

Nakatakdang simulan ang opisyal na pagbyahe ng mga ito sa susunod na buwan.


More about Transport

Transport, logistics woes must be priority

Transport, logistics woes must be priority

a week ago

We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2022 OpinYon News. All rights reserved.