Nasugbu-Bauan Expressway, tuloy na
Government Infrastracture

Nasugbu-Bauan Expressway, tuloy na

Feb 6, 2024, 3:32 AM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

Ano na ang nangyari sa 61-km Nasugbu-Bauan Expressway (NBEX) Project na planong gawin sa halagang P44 bilyon?

Ito ang katanungan ngayon ng maraming Batangueno lalo na ang mga nakatira at directang makikinabang sa NBEX sa unang distrito ng lalawigan ng Batangas sakaling matapos ang construction nito.


“Hindi pa, hindi pa nasisimulan,” wika ng isang insider mula sa corporate communications ng San Miguel Corporation na ayaw pabanggit ng pangalan nang makapanayam ng Opinyon Batangas noong nakalipas na linggo.


“Ngunit tuloy na tuloy po ang paggawa nito, ‘wag sila (mga Batanguenos) mag-alala,” aniya pa. “Kasalukuyang nasa 12-month development stage pa ito,” dagdag pa ng source.


“Pero, kagaya ng naipangako ng SMC Infra sa provincial government ng Batangas, tutupdin nito ang 48-month timeline sa paglunsad at paggawa kasama na ang 12-month development stage.”


Ang SMC Infrastructure ang siyang implementor ng NBEX.


Nilagdaan ang kasunduan sa pag-implement nito noon pang Marso 21, 2023, sa Balayan, Batangas sa pangunguna nina SMC President at CEO Ramon S. Ang, Batangas Governor Hermilando Mandanas at iba pang mga local officials ng District 1 ng Batangas kasama na si Vice Governor Mark Leviste.


Tungkol sa kung kailan ito matatapos, sinabi ni RSA na ang “substantial completion” ng NBEX ay aabot sa 48 na buwan, kasama na ang 12 months para sa pagsasagawa ng detalyadong engineering design, na ibig sabihin nito ay matatapos ang design nitong darating na Marso 2024.


Ang NBEX -- na mag-uumpisa sa Brgy. Kaylaway, Nasugbu -- ay tatakbo ng parehong direksyon sa Tagaytay-Nasugbu at Palico-Balayan highways.


Ang terminus ng NBEX sa Brgy. Kaylaway ay mag-uugma sa isa pang proyekto ng SMC Infrastructure, ang Cavite-Batangas Expressway (CBEX), na patungo sa Tagaytay City at Silang, Cavite naman.


Ang proyekto (NBEX) ay may apat na seksyon:

Ang Seksyon 1 ay may habang 10.78 kilometro mula sa Brgy. Kaylaway hanggang Brgy. Banilad sa bayan ng Nasugbu;

Ang Seksyon 2 ay may habang 13.03 kilometro mula sa Brgy. Banilad patungo sa bayan ng Balayan; Ang Seksyon 3 ay may habang 16.3 kilometro mula sa Balayan patungo sa Lemery,

at ang Seksyon 4 ay may habang 20.79 kilometro mula sa Lemery patungo sa Bauan.


Ang NBEX ay naglalayong magbigay ng mas mabilis na koneksyon sa pagitan ng silangan (East) at kanlurang (West) bahagi ng Batangas.


Inaprubahan ito matapos bigyan ng pamahalaang probinsyal ng Batangas ang 35-taong konsesyon sa SMC Infrastructure para sa disenyo, konstruksyon, operasyon, at pagmamantini ng planadong 61-kilometrong apat na lane na expressway.


Ang dalawang partido ay pormal na nagkasundo sa joint venture agreement para sa proyekto sa isang seremonya sa Balayan Government Center noong March 21, 2023.


“Ang lalawigan ng Batangas ay laging malapit sa aking puso. Ito ang tahanan ng marami sa aming pasilidad. Ito ay laging isang mahalagang at maaasahan partner ng San Miguel at gayundin, ito ay kritikal sa aming pagsusumikap na suportahan ang ating pambansang ekonomiya at itaas ang antas ng pamumuhay ng maraming Pilipino sa pamamagitan ng pambansang pag-unlad,” sabi pa ni RSA sa signing ceremony.


Para kay Batangas Governor Hermilando Mandanas, ang proyektong NBEX ay magiging daan para sa pag-unlad ng lalawigan ng Batangas.


“Ito ay magdadala ng maraming pag-unlad para sa ating lalawigan at para sa ating mga bayan dito sa unang distrito. Higit sa lahat, mas marami itong maibibigay na tulong at serbisyo sa ating mga mamamayan. Tunay pong partner in development ang San Miguel hindi lamang po sa Batangas, kundi sa buong Pilipinas,” ayon kay Mandanas.


Kapag natapos na ang NBEX, ipinapahayag ni Ang na ito ay magpapabuti sa paglalakbay sa mga bayan sa buong Batangas, lalo na sa unang distrito.


Higit sa lahat, gagawing mas accessible ng mga motorista ang Nasugbu, Balayan, Lemery, Bauan, Lungsod ng Calaca, at iba pang munisipalidad.


Ang transportasyon ng tao at kalakal ay magiging mas madali, mas mabilis, at mas maayos, na magreresulta sa mas mababang gastos sa negosyo at mas mataas na aktibidad sa ekonomiya.


Ang 61-kilometrong expressway ay inaasahang magbabawas ng kalahati ng oras sa paglalakbay mula Nasugbu patungo sa Bauan, Batangas mula 1.5 oras patungo sa 45 minuto lamang.


Samantalang ang karaniwang biyahe na umaabot ng 5 oras mula at patungo sa Maynila ay mababawasan na lamang ng 2 oras.

#OpinYonBatangas #CoverStory #NasugbuBauanExpressway #NBEX #SanMiguelCorporation #RamonAng #SMC #HermilandoMandanas #
OpinYon #WeTakeAStand


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.