Mobile community kitchen, inilunsad sa Batangas
Social Service

Mobile community kitchen, inilunsad sa Batangas

May 13, 2021, 5:48 AM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

Layunin ng Help In Motion: Mobile Community Kitchen ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas na maipagpatuloy ang suporta sa mga vulnerable sector ng lipunan sa gitna ng patuloy na umiiral na pandemiya ng Covid-19.

DALA ang inspirasyon ng Maginhawa community pastry sa Quezon City, naglunsad din ang pamahalaang panlalawigan ng Batangas ang Supplementary Feeding Program na gaganapin sa pamamagitan ng Help In Motion: Mobile Community Kitchen.

Ayon sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), bahagi ito ng patuloy na pag-aksyon ng Kapitolyo sa epektong dala ng COVID-19 pandemic at sa umiiral na quarantine restrictions sa lalawigan.

Layunin ng naturang proyekto na makapagbigay ng maayos na pagkain para sa mga bata at senior citizens mula sa mga pamilya na ang mga “bread winners” o mga kapamilyang naghahanap-buhay ay naapektuhan ng Covid-19 at nasa isolation at quarantine facilities.

Ito ay naisakatuparan sa pangunguna ni Governor DoDo Mandanas, na itinakdang ang mobile kitchen ang maging isa sa mga proyektong paglalaanan ng pondong mula sa share ng Lalawigan ng Batangas bilang host community ng mga power plants, kabilang ang Aboitiz Power Corporation.

Ang pangangasiwa naman ng mobile kitchen ay pangungunahan ng PSWDO, katuwang ang mga Barangay Health Workers, Barangay Nutrition Scholars, at Child Development Workers, na kinikilala ng gobernador na kaagapay sa pagpapaganap ng mga programa at proyekto ng Kapitolyo sa mga komunidad ng bawat bayan at lungsod sa probinsya.

Ayon sa PSWDO, minarapat na magkaroon ng isang mobile kitchen upang matiyak ang pangangalaga sa kalusugan ng mga bata at senior citizens, na itinuturing na most vulnerable sectors ng lipunan, at makapagpaabot ng suporta sa mga ito, lalo na sa mga pamilya na nawalan ng kabuhayan dahil sa virus-related mandatory quarantine at isolation.

Ayon sa pagtataya ng pagtataya ng mga Child Development Workers, humigit kumulang tatlong libong benepisyaryo mula sa mga identified na mga barangay o komunidad ang makikinabang sa proyekto.

Sa supplementary feeding program, ang mga benepisyaryo ay bibigyan ng pagkain 3 beses sa isang linggo, sa loob ng dalawang buwan. Ito ay para mabigyan ng sapat na panahon ang mga kapamilya nilang nagkasakit na gumaling at makapagtrabaho nang muli.

Nakatakda itong gawin sa 3 batches, na tatagal ng anim na buwan.

Ang Mobile Community Kitchen ay kumpleto sa kagamitan para sa epektibong paghahatid ng hot meals sa mga target beneficiaries nito. Ito ay mayroong installed stainless kitchen at cabinets, heavy duty stoves, built-in freezer at generator, electric at exhaust fan, fire extinguisher, at preparation and wash area.

Bukod dito, kasama na rin sa kabuuan ng proyekto ang welfare goods na kinabibilangan ng mga bigas, asukal, harina, ilang mga sangkap sa pagluluto, at iba’t-ibang uri ng mga gulay. (IAm/Opinyon Batangas)

Tags: #OpinYonBatangas, #communitypantry, #MobileCommunityKitchen, #HermilandoMandanas


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.