DAR, isinusulong ang organikong pagsasaka sa Batangas
Agriculture

DAR, isinusulong ang organikong pagsasaka sa Batangas

Jul 10, 2021, 3:43 AM
Santiago Celario

Santiago Celario

Writer

Sinimulan na ng Department of Agrarian Reform ang pagpapakilala sa mga organikong pamamaraan ng pagsasaka sa iba’t ibang mga agrarian reform beneficiaries sa lalawigan ng Batangas na naglalayong matulungan sila na mapataas ang kita at aning produkto.

SINIMULAN na nang Department of Agrarian Reform (DAR) sa lalawigan ng Batangas ang pagpapatupad ng Climate Resilient Farm Productivity Support Project (CRFPS) sa apat na Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) at 140 na agrarian reform beneficiaries (ARBs) ang makikinabang sa lalawigan.

Sinabi ni Provincial Agrarian Reform Program Officer II Engr. Marilou C. Baslan na isinusulong ng DAR-Batangas ang pagpapagaan ng epekto ng pabago-bagong klima sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaalaman, kasanayan at pasilidad sa mga miyembro ng ARBOs tungkol sa organikong produksyon ng gulay.

Idinagdag ni Baslan na sa ilalim ng proyekto, nagsagawa ang DAR-Batangas ng hands-on na pagsasanay para sa produksyon ng organikong gulay sa mga miyembrong-ARBs ng Libato Farmers Association a Red Stone Farmers Organization sa bayan ng San Juan; at Guinhawa Farmers Association sa Barangay Guinhawa, Tuy, Batanga.

Samantala, ipinakilala naman sa BUMACAS Farmers Association sa Barangay Maugat East, Padre Garcia, ang organikong produksyon ng honeydew melon.

"Sa hands-on training, ang mga ARBs ay tinuturuan ng kasanayan at tamang kaalaman sa vermicomposting, Integrated pest management, pagsusuri sa lupa, at urban vegetable gardening," ani Baslan.

Dagdag pa niya na ang mga ARBOs ay pinagkalooban ng mga gamit at maliit na kasangkapang pangbukid upang maitaguyod ang techno demo farm at ang bawat ARBO aniya ay makatatanggap ng mga makinarya at kagamitan sa bukid na gagamitin sa paghahanda ng lupa at pag-aani.

Samantala, kaugnay nito binigyang diin ni Baslan na ang DAR-Batangas ay nakipag-ugnayan sa Advent Agri-Enterprise at Consultancy Services na pinangunahan ni Rey Marasigan bilang propesyonal na service provider para sa pagsasagawa ng hands-on training at paggawa ng techno demo farm.

"Ang harvest festival ay nakatakdang isagawa sa katapusan ng Hulyo hanggang sa huling linggo ng Agosto," pagtatapos ni Baslan.

Ayon pa sa DAR ang CRFPS ay nakatuon sa layunin na patatagin ang mga agrarian reform communities sa buong bansa upang mapahusay at mapanatili ang produksiyon sa agrikultura ng mga organisasyon ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtaas ng kanilang ani at kita upang maiangat ang buhay ng mga kasapi nito. (SC)

Tags: #OpinYonBatangas, #DepartmentOfAgrarianReform, #organicfarming , #farmerscooperatives


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.