15 LGUs, lumagda sa ‘closed season’ ng pangingisda sa mga look sa Batangas photo OpinYon Batangas
Local Government

15 LGUs, lumagda sa ‘closed season’ ng pangingisda sa mga look sa Batangas

Oct 25, 2021, 5:42 AM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

Sa pamamagitan ng “Closed Season” program ay hangad ng mga LGU sa lalawigan ng Batangas na muling manumbalik ang sigla ng pangisdaan sa lalawigan, para sa kapakinabangan ng mga mangingisda at mamamayang nakatira sa tabing-dagat ng lalawigan.

STO TOMAS CITY, Batangas – Sa iisang layunin palakihin muna ang mga maliliit na isda sa mga look ng lalawigan ng Batangas, lumagda ang 15 na local government units (LGU) sa muling pagpapatupad ng closed-season o tigil-pangingisda sa lalawigan.

Katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO), ang mga LGU na lumagda sa ordinansa ay ang pamahalaang lokal ng Batangas City, Balayan, Bauan, Calaca, Calatagan, Lemery, Lian, Lobo, Mabini, Nasugbu, San Juan, San Luis, San Pascual, Taal at Tingloy.

Nagkasundo ang mga kinatawan ng mga LGU sa isang virtual na pagpupulong ang mga miyembro ng Batangas Marine Protected Area and Bantay Dagat Network kung saan napagkasunduan ang muling pagpapatupad o implementasyon ng Closed Season o “Pagpapahinga ng mga Look ng Lalawigan ng Batangas.”

Tatagal ang naturang “closed season” mula Disyembre 1, 2021 hanggang Enero 31, 2022.

Napag-usapan din ang mariing pagbabantay sa paggamit ng fine mesh net o pinong lambat, mula Enero 1 hanggang Marso 31, 2022, upang higit na mabigyan ng panahon na lumaki ang mga juvenile fish o maliliit na mga isda na bunga ng implementasyon ng Closed Season.

Sa gabay ng temang “Panandaliang Sakripisyo, Pangmatagalang Benepisyo,” tinukoy at tinalakay din sa pagpupulong ang iba pang mga paghahanda bago sumapit ang implementasyon, ganun din ang pangmatagalang pagpapatupad nito sa lalawigan sa pamamagitan ng unified ordinance.

Ang nasabing Closed Season ay isang programang ipinatutupad sa lalawigan taun-taon simula pa noong taong 2014.

Katulong din sa gawain ang iba pang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan, kabilang ang Provincial Agriculture’s Office (OPA), Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Information Office (PIO); Department of the Interior and Local Government at Department of Environment and Natural Resources – PENRO; at non-government organizations, tulad ng Malampaya Foundation, Inc., Conservation International-Philippines at First Gen Corporation, na gumagawa ng mga pag-aaral at konsultasyon, at nagbibigay ng mga pangangailangang logistics para sa matagumpay at maayos na implementasyon ng programa.

Malaki rin ang bahaging ginagampanan ng mga enforcement agencies, kabilang ang Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Batangas Philippine National Police (PNP), PNP Maritime Group, Philippine Coast Guard, Philippine Air Force, at mga samahan ng Bantay Dagat, sa pagpapatupad ng Closed Season sa pamamagitan ng pagpapatrolya, pagbabantay at paghuli sa mga lumalabag sa Batas ng Pampangisdaan o Republic Act No. 10654.

Ang Lalawigan ng Batangas ang itinuturing na kauna-unahang local government unit na nagpapatupad ng ganitong programa sa buong Pilipinas, na sinundan na rin ng iba pang mga lalawigan, partikular sa Verde Island Passage.

Ang nasabing gawain ay nagbibigay-daan sa mga isda, kagaya ng galunggong at matambaka, na makapangitlog, makapagparami, at mabigyan ng pagkakataong lumaki ang mga juvenile fish o maliliit na mga isda, kung kayat higit na pagtutuunan ng panahon ang pagbabantay sa mga ito bago mahuli ng mga mangingisda.

Hangad ng naturang programa na muling manumbalik ang sigla ng pangisdaan sa lalawigan, para sa kapakinabangan ng mga mangingisda at mamamayang nakatira sa tabing-dagat ng Batangas.

Kaugnay nito, ipinagbabawal ang paggamit sa pamalakaya ng basnig, pukutan o pukot, at pangulong o paipot sa munisipal na katubigan ng Batangas sa loob ng dalawang buwan, at fine mesh net o mga pinong lambat sa susunod na tatlong buwan.

Bagamat nakasaad na sa Batas Pampangisdaan na bawal ang mga nasabing pamamalakaya sa tubig munisipal, sa panahon ng Seasonal Closure ay mariin pa lalo itong babantayan.

Dahil ang gawaing ito ay bilang pagsunod sa umiiral na batas, hinihiling ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Gov DoDo Mandanas ang pakikiisa ng mga mangingisdang Batangueño para na rin sa kanilang pang-matagalang kapakinabangan.

Ang petsa ng Closed Season ay natukoy base sa resulta ng mga siyentipikong pag-aaral na isinagawa bago ang pagpapatupad nito.

Tags: #OpinYonBatangas, #fishing, #closedseason, #aquaculture, #sustainablefishing


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.