NBEX CONSTRUCTION  AARANGKADA NA
Cover Story

NBEX CONSTRUCTION AARANGKADA NA

Mas uunlad ang kabuhayan para sa mga bayang dadaanan mula Nasugbu hanggang Bauan

Apr 15, 2024, 8:41 AM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

BATANGAS CITY – Hindi na maitago ang excitement ng mga taga-Nasugbu at Bauan sa Batangas, pati na ang iba pang mga taga-karatig bayan ng mga ito sa lalawigan, dahil nakatakda nang umarangkada ang construction ng pinakahihintay na Nasugbu-Bauan Expressway (NBEX).

Sumapit na kasi ang isang taon na development stage na itinakda ng project undertaker ng Nasugbu-Bauan Expressway na San Miguel Corporation Infrastructure kamakailan lamang.

Dahil dito umaksyon na rin agad ang Provincial Planning and Developmment Office (PPDO) at nagpatawag ito ng isang Post-Award Conference sa primary stakeholders ng NBEX project. Ginanap ito nitong nakalipas na Miyerkules, Abril 3, sa PPDO conference room sa Kapitolyo sa lungsod na ito.

Pinangunahan nina Provincial Administrator Wilfredo Racelis, na tumatayo ring Provincial Regulatory Authority chairperson, at Norberto Conti, vice president at head ng Technical SMC Infrastructure ang pagpupulong.

Kabilang sa mga tinalakay dito ay ang mga tungkulin at responsibilidad ng bawat kabahagi ng nasabing proyekto.

Nakiisa rin sa pagpupulong sina 5th District Senior Board Member Claudette Ambida Alday, Provincial Treasurer Puring Lat, Provincial Planning and Development Office OIC Marissa Mendoza at mga kinatawan ng Provincial Legal Office, Sangguniang Panlalawigan at PPDO.


Economic Driver

Ang NBEX ay magsisimula at matatagpuan sa unang distrito ng lalawigan ng Batangas. Kapag natapos ang construction nito malaki ang magiging ambag nito sa paglago ng ekonomiya sa mga nabanggit na bayan at sa mga dadaanan nito.


Naipangako ng SMC Infra sa provincial government ng Batangas noong contract signing na tutupdin nito ang 48-month timeline sa paglunsad at paggawa kasama na ang 12-month development stage nito.

Magugunitang nilagdaan ang kasunduan sa pag-implement nito noon pang nakalipas na Marso 21, 2023, sa Balayan, Batangas sa pangunguna nina SMC President at CEO Ramon S. Ang, Batangas Gov. Hermilando Mandanas at iba pang mga local officials ng District 1 ng Batangas kasama na si Vice Gov. Mark Leviste.

Tungkol sa kung kailan ito matatapos, sinabi ni Ang na ang “substantial completion” ng NBEX ay aabot sa 48 na buwan, kasama na ang 12 months para sa pagsasagawa ng detalyadong engineering design, na ibig sabihin ay dapat na matapos ito noong March 21, 2024.

At natupad nga ito’t nagdaos ng Post-Award Conference noong nakalipas na Miyerkules.


4 Na Bahagi Ng NBEX

Ang NBEX -- na mag-uumpisa sa Brgy. Kaylaway, Nasugbu -- ay tatakbo ng parehong direksyon sa Tagaytay-Nasugbu at Palico-Balayan highways.


Ang terminus ng NBEX sa Brgy. Kaylaway ay mag-uugma sa isa pang proyekto ng SMC Infrastructure, ang Cavite-Batangas Expressway (CBEX), na patungo sa Tagaytay City at Silang, Cavite naman.

Ang proyekto ay may apat na seksyon: Ang Seksyon 1 ay may habang 10.78 kilometro mula sa Brgy. Kaylaway hanggang Brgy. Banilad sa bayan ng Nasugbu; Ang Seksyon 2 ay may habang 13.03 kilometro mula sa Brgy. Banilad patungo sa bayan ng Balayan; Ang Seksyon 3 ay may habang 16.3 kilometro mula sa Balayan patungo sa Lemery, at ang Seksyon 4 ay may habang 20.79 kilometro mula sa Lemery patungo sa Bauan.


Ang NBEX ay naglalayong magbigay ng mas mabilis na koneksyon sa pagitan ng silangan (East) at kanlurang (West) bahagi ng Batangas.


35-Year Concession

Inaprubahan ito matapos bigyan ng pamahalaang probinsyal ng Batangas ang 35-taong konsesyon sa SMC Infrastructure para sa disenyo, konstruksyon, operasyon, at pagmamantini ng planadong 61-kilometrong apat na lane na expressway.

Ang dalawang partido ay pormal na nagkasundo sa joint venture agreement para sa proyekto sa isang seremonya sa Balayan Government Center noong March 21, 2023.

“Ang lalawigan ng Batangas ay laging malapit sa aking puso. Ito ang tahanan ng marami sa aming pasilidad. Ito ay laging isang mahalaga at maaasahan partner ng San Miguel at gayundin, ito ay kritikal sa aming pagsusumikap na suportahan ang ating pambansang ekonomiya at itaas ang antas ng pamumuhay ng maraming Pilipino sa pamamagitan ng pambansang pag-unlad,” sabi pa ni Ang noong signing ceremony.


Para naman kay Mandanas, ang proyektong NBEX ay magiging daan para sa pag-unlad ng lalawigan ng Batangas.


“Ito ay magdadala ng maraming pag-unlad para sa ating lalawigan at para sa ating mga bayan dito sa unang distrito. Higit sa lahat, mas marami itong maibibigay na tulong at serbisyo sa ating mga mamamayan. Tunay pong partner in development ang San Miguel hindi lamang po sa Batangas, kundi sa buong Pilipinas,” ayon sa gubernador.


Kapag natapos na ang NBEX, ipinapahayag ni Ang na ito ay magpapabuti sa paglalakbay sa mga bayan sa buong Batangas, lalo na sa unang distrito.


Higit sa lahat, gagawing mas accessible ng mga motorista ang Nasugbu, Balayan, Lemery, Bauan, Lungsod ng Calaca, at iba pang munisipalidad.


Ang transportasyon ng tao at kalakal ay magiging mas madali, mas mabilis, at mas maayos, na magreresulta sa mas mababang gastos sa negosyo at mas mataas na aktibidad sa ekonomiya.


Ang 61-kilometrong expressway ay inaasahang magbabawas ng kalahati ng oras sa paglalakbay mula Nasugbu patungo sa bayan ng Bauan mula 1.5 oras patungo sa 45 minuto lamang.


Samantalang ang karaniwang biyahe na umaabot ng limang oras mula at patungo sa Maynila ay mababawasan na lamang sa 2 oras.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonCoverStory #OpinYonBatangas #NBEX


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.