The Equalizer, Ace Fernandez
The Equalizer

Pag-alala kay Gov. Raffy Nantes

May 26, 2021, 12:26 AM
Ace Fernandez

Ace Fernandez

Writer/Columnist

MAYO 17, 2010, ganap na ika-3:15 ng hapon, ang mga mamamayan ng lalawigan ng Quezon ay ginulat ng isang masamang balita na naghatid sa kanila ng labis na kalungkutan.

Mula sa himpapawid, bumagsak at sumabog sa isang bahagi ng Jael Subdivision sa Brgy. Iyam, Lucena City ang helicopter na sinasakyan ng noon ay Gobernador Raffy P. Nantes at 4 na iba pa.


Dinagsa ng tao mula sa iba't- ibang lugar ang lamay ni Gov. Nantes sa Quezon Convention Center, kabilang na si Presidente Noynoy Aquino. Bumuhos ang emosyon ng mga mamamayan sa daang binabagtas patungo sa Serenea Park sa Lucban.


Si Gov. Raffy, karaniwang tinatawag na Kuya Raffy at kilala sa taguring RPN ay nagmula sa karaniwang pamilya. Namulat sa murang edad bilang tagapagtinda ng isda sa bayan ng Polillo bago naging shoeshine boy sa Camp Aguinaldo.


Nakapagtapos siya ng Mechanical Engineering sa sariling pagsisikap at kinalaunan ay nakapagpundar ng negosyo na kanyang napalago katuwang ang maybahay na si Gng. Betty Nantes. Naging imbentor siya ng industrial battery na pinarangalan ng DOST. Binigyan siya ng Quezon Medalya ng Karangalan at nahalal na congressman sa 3 termino.


Ang programa niyang NANTES PO ang naging behikulo para maiparating ang serbisyong gobyerno sa lahat ng sulok ng Quezon.


Pinalakas niya ang negosyo at trabaho ng kanyang mga kababayan, gaya ng Panahiang Pangkabuhayan at Ugnayan ng Nagkakaisang Kababaihan sa Quezon. Nagbuo siya ng Investment Incentive Code. Pinabilis nya ang pagpoproseso ng mga dokumentong pangnegosyo at pinasimulan ang proyektong "one-town, one-product." Gayundin ang mga konstruksyon ng farm-to-market roads at mga tulay.


Pinaunlad niya ang agrikultura sa pagdaraos ng kauna-unahang Fishery Summit upang maipatupad ang RA 8550, at pinangalagaan ang kapakanan ng maliliit na magniniyog.


Nagpatayo ng mga parola sa iba’t-ibang islang bayan upang maging gabay ng mga naglalakbay sa karagatan. Pinalawak nya ang elektripikasyon ng mga bayan at malalayong barangay sa Northern Quezon.


Sa panunungkulan niya ay naging unibersidad ang dating Southern Luzon Polytechnic College, ngayon ay Southern Luzon State University, at naging lungsod ang Tayabas na ngayon ay maunlad na.


Ang legasiyang ito ng pagmamahal at pagtulong sa mga Quezonin, ay ipinagpatuloy ng kanyang anak na si Vice Governor Sam Nantes sa loob ng 3-termino at ng kanyang maybahay, Gng. Betty B. Nantes, bilang director ng PCSO at director ng Philippine Red Cross-Quezon.


Ang pangarap ni Gov. Nantes ay ang makita na ang kaunlaran ay nakabatay sa kagalingan ng nakararaming mamamayan at pamayanan.Mabuti na lamang at may nagpapatuloy ng pangarap na ito


(Hinabi ng malayang kaisipan ni Gemi Formaran para sa ika-11 Death Anniversary ni Gov. Raffy P. Nantes (Mayo 17, 2021)


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.