The Equalizer, Ace Fernandez
The Equalizer

Istoryang Masa: Ms. Liza Panganiban

Jun 2, 2021, 12:22 AM
Ace Fernandez

Ace Fernandez

Writer/Columnist

Nagmula sa isang bayan sa Bondoc Peninsula ang kwento ng ating istoryang masa. Pumunta sa Lungsod ng Lucena at bumuo ng munting pangarap para sa kanyang pamilya.

Siya ay si Ms. Liza Panganiban, may-ari ng isang sikat na beauty parlor sa lungsod ng Lucena na may gayunding pangalan.Nagsimula siyang mamasukan bilang taga-pedicure at manicure sa isang parlor at kalaunan ay natuto na rin siyang gumupit ng buhok.Sa loob ng 10 taon ay nagsikap si Ms. Liza na lalo pang paghusayin ang kanyang craft sa beauty enhancement at hair styling. Bilang beauty consultant, nagkaroon siya ng pagkakataong magtraining sa ilalim ng sikat na si Ricky Reyes.

Taglay ang mga sertipiko at bagong kakayanan sa hair styling ay nasimula siyang magsarili at nagtayo si Ms. Liza ng isang maliit na parlor sa Lucena. Tinulungan niya at binigyan ng trabaho at training ang ilan niyang kamag-anak na babae upang makatulong sa negosyo ng beauty parlor, na naging paraan upang sila ay kumita ng pera at makapagpadala sa kanilang mga pamilya sa bukid.

Sabi ni Ms. Liza:"Ang importante sa lahat ay customer satisfaction na maibibigay sa bawa't kliyente." Kaya naman sa bawat tiklada ng gunting at nail cutter ay may saya sa mukha ang mga customer na pumupunta sa kanyang beauty parlor.

Bukod sa skills na kanyang naibigay sa kinuhang kamag- anak at binigyan ng trabaho ay patuloy nyang kinalinga ang mga ito hanggang sa ang iba ay nagpapaalam para daw i-explore pa ang iba pang oportunidad sa buhay.

Sa kabila ng pagsubok na dumating sa buhay ay nanatiling matatag si Ms. Liza sa mga hamon nito. Determinado sya na ipagpatuloy ang sinimulang pagbuo ng mga pangarap upang maabot ang dulo nito. Pangunahin dito ay matulungan ang kanyang sariling pamilya at kung may pagkakataon ay makatulong pa sa iba.

Ang mensahe ni Ms. Liza Panganiban sa lahat ay bumuo sila ng mumunting pangarap at huwag susuko hanggang maabot ito. Kailangan din ang tiyaga at pagpapasalamat sa Diyos.

Manatili din aniyang mapagpakumbaba ang lahat sapagkat sa ganitong paraan ay itataas ka ng Panginoon.Sa mga aral ng buhay mula sa kanyang mga karanasan ay makakapagbigay ng inspirasyon ang kwento ni Ms. Liza Panganiban, isa ring butihing ina at asawa.

Tags: #commentary, #columns, #TheEqualizer, #IstoryangMasa, #LizaPanganiban


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.