iTalk by Ismael Amigo
iTalk

Dapat lang bigyan ng insentibo ang ating mga Barangay Tanod

Apr 21, 2021, 10:00 PM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

SA isyu pong ito, lilihis po muna tayo sa salitang English dahil nais po nating maintindihan ng lahat po ng ating mga suking mambabasa ang paksang ating tatalakayin.

Higit sa lahat ay gusto ko pong mas malinaw na maiparating ang ating mensahe sa atingmga mahal na barangay tanod na masugid na nagbibigay ng serbisyo at tumutulong ding magpatupad ng batas sa ating mga lugar.

Sila po iyong maituturing katuwang ng ating kapulisan at lokal na pamahalaan na matiyagang nagpapatupad ng kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad at maging ng mga batas trapiko para maging maayos ang daloy ng mga sasakyan sa ating mga lansangan kapalit ng kakaunting buwaanang sweldo.

Tama po kayo sa inyong iniisip. Kapiranggot lamang po talaga ang kanilang mga sinasahod. May naulinigan pa ako dati na dalawang nagkukuwentuhan na Barangay Tanod na kung magkano sinahod nila noong nakalipas na kinsena: P500. Yun lang daw.

Sa mga panahon ngayon hindi na po sapat ang ganitong kakarampot na halaga. Sapat lamang po ito ng isang umagang super-tipid na pamamalengke sa panahon ng pandemya.

Ito ang dahilan kung bakit sinasabi nating karapat-dapat lamang silang bigyan o pagkalooban ng insentibo.

At sa kabutihang palad sa mga retiradong tanod ng Batangas ay may kagaya ni Gov. Dodo Mandanas na may puso at pang-unawa sa kagaya nila.

Nitong ikalawang linggo ng Abril, nabiyayaan ang may 160 na mga retiradong opisyal ng barangay o barangay functionaries ang nakatanggap ng cash incentive mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas.

Kaugnay sa proyekto nitong Provincial Service Incentive (PSI) na itinadhana ng Sangguniang Panlalawigan Ordinance No. 5-2017. Kung kaya't ibig sabihin po n'yan taon-taon na po 'yan na ipagkakaloob.

Ayon sa opisina ni Gov.Mandanas, ito'y isang paraan ng pasasalamat ng pamahalaang panlalawigan, sa mga barangay workers na boluntaryong naglilingkod at nag-aalay ng kanilang oras at serbisyo para sa kanilang mga komunidad.

Bukod sa financial incentive, binigyan din ng Katibayan ng Pagkilala ang mga Batangueño at Batangueña public servants.

Pinangunahan ng Provincial Assistance for Community Development Office (PACD), na pinamumunuan ni Ginang Fredesvinda Mendoza, ang pamamahagi ng PSI, na may kabuuang halagang halos P900,000 at nakatanggap ng halagang P5,625 kada isa ang 160 na indibidwal kung 'di tayo nagkakamali.

Ang PACD rin ang namahala sa assessment ng mga kuwalipikadong barangay officials mula sa iba’t ibang barangay ng Lalawigan ng Batangas.

Hiling din po sana natin na kung maaari ay silipin din ng mga pinuno ng munisipalidad at lungsod kung makatarungan pa ba ang kanilang ibinibigay na sweldo sa mga barangay tanod at ibang mga manggagawa sa mga sandaling ito.

Nararapat po yan. Abangan natin. Pero kung pwede sana'y 'wag na isama sa dagdag-sahod ang mga abusadong Barangay Tanod. Antayin muna na maging makatao at makatarungan sila.

Email ismaelamigo@yahoo.com sa inyo pong mga puna at suhestiyon.


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.