Ang buwayang hayop...sumusunod sa batas ng kalikasan. Kumakain upang mabuhay.....hindi lulustay;.... silakbo ay instinct lang, hindi ambisyon. Ang buwayang tao....nakaupo sa trono.....sumusunod sa batas ng sariling tiyan. Lumalangoy sa kapangyarihan. Hindi sapat ang kaya, hangad ay sobra....ang ngisi....mas matalim kaysa anumang pangil.
Sa tuwing may iskandalong lumalabas tungkol sa nawawalang pondo, overpriced o ghost na proyekto, o mahiwagang paglobo ng bank account ng isang opisyal, iisa agad ang tawag ng bayan: “Buwaya!”
Ngunit bago natin lubos na gamiting bansag na iyon, mahalagang balikan kung bakit naging simbolo ng kasakiman ang hayop na minsang tagapagbantay ng ating kalikasan.
May dalawang uri ng buwaya sa mundong ito. Ang buwayang hayop....tunay na nilalang ng ilog....ay sumusunod sa batas ng kalikasan. Kumakain upang mabuhay. Mangangaso, pero hindi lulustay; papatay, ngunit hindi magpapakasasa. Ang kanyang silakbo ay instinct lang, hindi ambisyon.
Ang buwayang tao naman...ang uri na nakaupo sa trono, opisina, o bulwagan ng gobyerno....ay sumusunod sa batas ng sariling tiyan. Lumalangoy hindi sa tubig, kundi sa kapangyarihan. Hindi sapat ang isa, kailangan ay lahat. Hindi sapat ang kaya, hangad ay sobra. At ang ngisi niya ay mas matalim kaysa anumang pangil.
Ang unang buwaya, makikita mo agad ang panganib. Ang ikalawa, nakabarong, nakangiti, at nagbubuklat ng Bibliya tuwing kampanya.
Dito nagiging trahedya ang kuwento ng bayan. Kapag ang buwayang hayop ang umatake, may sigaw, may paglaban, may napipisil na solusyon. Pero kapag buwayang tao ang sumakmal, madalas ay may palakpak, selfie, at pasasalamat pang kasama. Sinasamba ng ilan ang mga lider na sumisipsip sa kaban ng bayan, basta’t may pa-konsiyerto, pa-ayuda may picture pang kasama sa supot na di naman galing sa sariling bulsa, o pa-nood ng fireworks tuwing pista. At dito nagiging kasabwat ang taong-bayan mismo....hindi dahil masama sila, kundi dahil pagod, gutom, at sawang umasa.
Hanggang kailan ganito?
Kung bansag lang ang kaya nating ibato, ngunit boto pa rin ang ibibigay, mauubos ang kaban, pero hindi mauubos ang buwaya. Hindi sapat ang galit; mas kailangan ang gulugod. Hindi sapat ang sumbong sa social media; mas kailangan ang mata, tainga, at boses na hindi madaling bilhin o sindakin.
Sa huli, ang tanong ay hindi lang “Ilang buwaya ang nasa gobyerno?” kundi....
“Ilang mamamayan ang handang tumanggi sa lagay, at sa paulit-ulit na kasinungalingan?”
Sapagkat ang tunay na ilog ng bayan ay hindi lang ang ating tubig, kundi ang ating tiwala. Kapag iyon ang nilamon, walang sapa, walang lambak, at walang kinabukasan ang makakaligtas.
At kung hindi sila hahamunin, marami pang ilog ang magiging libingan ng mga walang kalaban-laban.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonColumn #MarchanismManifesto
