The Equalizer, Ace Fernandez
The Equalizer

BEASTFREN

Part 2

May 12, 2021, 7:29 AM
Ace Fernandez

Ace Fernandez

Writer/Columnist

KUNYARE ay binatikos ng US Defense chief ang Beastfren sa pananatili ng kanilang mga barko at sinabi pa nito ang paninindak ng komunistang Intsik sa maliliit na bansa sa rehiyon.

Dagliang ikinasa ang Balikatan exercises na dito ay magkasamang magsasanay ang mga sundalong Pilipino at Amerikano at sa iglap ay nawala daw ang mga barkong nagkukubli lamang sa mga reefs ng Kalayaan Islands dahil masama ang panahon ayon sa tagapagsalita ng Embahada ng China. Kaya naman sinagot siya ni Secretary Lorenzana ng, "I am no fool" dahil napakaganda naman ng panahon at hindi malakas ang alon.
 
Samantala, perhuwisyo ang Beastfren China sa 26 na kapit-bansa dahil 11 dambuhalang dams ang sumasakal sa Mekong River sa China. Humina ang agos nito sa mainland Southeast Asia. Natutuyot ang mga sakahan at palaisdaan simula pa nuong 2019 at dito ay naapektuhan ang mga gilid ng ilog sa Myanmar, Laos, Cambodia, Thailand at bansang Vietnam. Bumagsak ang ani ng palay at eksport ng bigas at apektado pati ang ating bansa na umaangkat ng bigas mula sa kanila.
 
Sa plano ay magtatayo pa si Beastfren Xi ng 8 pang dams dahil kanila raw ang ilog na nagmula sa mga lawa sa bundok ng probinsyang Tibet na itinuturing na kasinungalingan ng Dalai Lama dahil malayang kaharian ang Tibet at sinakop lamang nila Beastfren CCP nuong 1950.

Patuloy ang pagsakal sa ilog dahil sa pagtatayo ng mga dams patungo sa mga bansang India, Pakistan at Bhutan. Naalarma na rin ang kaharian ng Nepal sa kanilang border na ayon sa impormasyon ay inagawan pa ng teritoryo ang India at Bhutan ni Beastfren.
 
Ayon pa sa report ay umaangkin din ng teritoryo ang China ng mga lupain sa Russia at Mongolia at ginagawang alipin ang mga Muslim na Uighur sa Xinjiang na nagmula sa mga karatig-bansang Kyrgyztan, Pakistan, Kazakhstan, Afghanistan at Tajikistan.

Sa dakong hilaga ng rehiyon sa Asia ay inagaw ang isla at karagatan ng Japan ni Beastfren CCP samantalang sa timog ay mga bansang Indonesia, Malaysia, Brunei, Pilipinas at Vietnam ay ganito rin ang ginawa.

Nakaabot na sa Palau sa West Pacific ang pagnanakaw ng isda ng mga fishing militia ni Beastfren na suportado naman ng People's Liberation Army Navy at ng China Coastguard.
 
Gusto pa ng Beastfren Dragon na manatiling hati ang North at South Korea dahil tuta nya ang North Korea para di mabuong muli ang Korean peninsula. At hindi pa ito nasiyahan dahil binabalak pang bawiin ang probinsya ng Taiwan na suportado naman ni Uncle Sam. Ang Taiwan ay naging malayang estado nuong 1949 at isa sa maituturing ngayong pinakamayamang bansa sa rehiyon ng Southeast Asia. Gusto rin gawin ni Beastfren CCP ang pagyurak sa demokrasya sa Hongkong nuong nakalipas na taon kaya nagtutulo na ang laway ng dragon para makuha nito ang Taiwan.

Pumiglas lamang ang Australia sa panggugulo ng CCP dahil pinapaalis ng PLA ang Naval Exercises nito sa international waters ng South China Sea kung saan ang pangalang ito ay isinulat ng Great Britain sa malawak na tubig ng karagatang ngayon ay posibleng maging mitsa ng giyera sa rehiyon dahil sa kasakiman ni Beastfren.#


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.