Malaking ginhawa para sa mga motorista at commuter ang pansamantalang pagbubukas ng San Pablo-Alaminos Bypass Road nitong nakaraang Undas.
Simula noong October 29, pinayagan na ang mga light vehicle na makadaan sa nasabing bypass road mula sa Lipa-Alaminos Road hanggang sa dulo nito sa Barangay San Vicente, malapit sa boundary ng lalawigan ng Laguna at Quezon.
Ito ay sa kabila ng mga bahagi na hindi pa nalalatagan ng kongkreto, gayundin ang mga lubak-lubak at maputik na mga bahagi sa mga Barangay San Vicente at San Miguel sa San Pablo City at Barangay San Roque sa bayan ng Alaminos.
Ayon sa pamahalaang lungsod ng San Pablo, pansamantalang naglagay ang City Engineering Office ng asphalt overlay sa ilang mga lugar na hindi pa nalalatagan ng kongkreto, gayundin sa mga kanto ng Barangay San Roque.
Nagkasundo rin si San Pablo City Mayor Najie Gapangada at Alaminos Mayor Eric Lopez na pagtutulungan ng dalawang LGU ang gastos sa pagpapaayos ng kalsada.
Ang Alaminos-San Pablo Bypass Road ay isang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na naglalayong maibsan ang problema ng mabigat na daloy ng trapiko sa downtown San Pablo City.
Nauna nang binuksan ang 2.85-kilometrong porsyon ng naturang daan mula Maharlika Highway hanggang sa Lipa-Alaminos Road noong 2021.
Ayon sa DPWH, nagkakahalaga ng P1.36 bilyon ang nasabing daan, bukod pa sa P473 milyon para sa pagpapalawak ng mga tulay at paglalatag ng road shoulder.
Samantala, inihayag ng pamahalaang lungsod noong November 3 na muling isinara ang bahagi ng nasabing bypass road mula sa Barangay Santa Veronica hanggang sa Barangay San Vicente dahil na rin sa banta ng pagbaha dulot ng bagyong "Tino."
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews
