Dalawang motorcycle riders ang ninakawan at tinangayan pa ng motorsiklo ng dalawa riding-in-tandem suspects sa Victoria, Laguna noong Martes, November 4.
Personal na nagtungo sa Victoria Municipal Police Station ang dalawang biktima na kinilala sa mga alyas na "Rexel" at "Jennifer," kapwa empleyado ng isang department store sa nasabing bayan.
Ayon sa dalawang biktima, sakay sila ng motorsiklo galing San Pablo City at papasok na sana sa trabaho nang maganap ang insidente.
Pagsapit umano nila sa bahagi ng public cemetery ng Victoria sa Barangay Nanhaya ay bigla silang binangga ng dalawang lalaki na sakay rin ng motorsiklo na hindi naplakahan.
Sapilitan umanong kinuha ng mga suspek ang mga pera at personal na gamit na may halagang aabot sa P3,700.
Maging ang dala nilang motorsiklo ay hindi rin pinatawad ng mga kawatan.
Isang follow-up operation na ang isinasagawa ng mga awtoridad upang madakip ang mga suspek na tumakas agad matapos ang krimen.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews
