Mga labing nakatambak sa morgue ng QMC, inaksyunan ng lokal na pamahalaan photo from Opinyon Quezonin
Quezon

Mga labing nakatambak sa morgue ng QMC, inaksyunan ng lokal na pamahalaan

Sep 21, 2021, 8:05 AM
Annadel Gob

Annadel Gob

Writer

Humingi ng pahintulot ang pamahalaan sa mga kaanak na agad mailibing ang mga namatay dulot ng Covid-19 sa naturang ospital, kaysa hintayin pa ang pagpapa-cremate sa mga labi.

LUCENA CITY, Quezon – Kaagad na tinugunan ng pamahalaang lungsod ng Lucena at ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang paglilibing sa mga bangkay na naiulat na nakatambak na umano sa morgue ng Quezon Medical Center (QMC) sa naturang lungsod.

photo from Opinyon Quezonin

photo from Opinyon Quezonin

Ito ay matapos sumulat ang pamunuan ng QMC sa Department of Health (DOH) na humihingi ng pahintulot na agad mailibing ang mga namatay dulot ng Covid-19 sa naturang ospital.

Mas makabubuti raw ito kaysa hintayin ang schedule ng pag-cremate sa mga ito, lalo na’t patuloy pa rin ang pagdami ng kaso ng Covid-19 sa lalawigan ng Quezon.

Sa ulat ni Lucena City Disaster Risk Reduction and Management Officer Janet Gendrano sa Calabarzon Regional Inter-Agency Task Force Against Covid-19, dahil sa pagdami ng mga nasawi sa Covid-19 ay nagkaroon ng pile-up sa nag-iisang crematorium site sa lalawigan, dahilan para maantala ang pag-cremate sa mga bangkay mula sa naturang ospital.

Dagdag pa ni Gendrano, nagkaroon din ng koordinasyon sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan, Department of the Interior and Local Government (DILG) at iba pang lokal na pamahalaan sa probinsiya para makuha ang ibang mga bangkay sa naturang ospital at mailibing sa kani-kanilang mga bayan.

Sinabi naman ni Dir. Eduardo Janairo, regional director ng DOH Region 4A, na agad nilang tinugunan ang naturang problema.

“Gusto ng karamihan sa mga kaanak ng mga namatay sa Covid-19 ay ma-cremate ang mga bangkay nito,” ani ni Janairo.

Sinabi ni Janairo, dahil sa kakulangan sa crematorium site ay maaari aniyang i-seal sa body bag ang mga bangkay gayundin ang ataul na paglalagakan nito at kinakailangan na mailibing agad ang mga ito.

Ayon kay Janairo, nakakabahala ang mga bangkay na hindi agad nakukuha sa morgue dahil maaari aniya itong pagmulan ng iba’t ibang sakit.

Kontrolado na ang insidente at wala ng nakatambak na mga bangkay sa QMC, ayon sa pahayag ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon.

“Right now, controlled na, wala na kaming mga bodies at ang ginagawa lang namin, pinawe-welding namin yung mga coffin dahil dapat sealed yan,” pahayag ni Gov. Danilo Suarez sa isang pahayag sa media.

Ayon sa gobernador, ginagawa nila ang makakaya na makakuha ng portable na crematorium para sa mga pasyenteng nasawi dahil sa Covid-19.

Ngayong Setyembre ay nagkaroon ng biglang pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa iba’t ibang bahagi ng Quezon, dahilan upang mapuno ang ilang healthcare facilities sa lalawigan.

Sinabi ni Dr. Rolando Padre, chief of hospital ng QMC, hindi inaasahan ang pagdami ng mga nasawi dahil sa Covid-19 sa pagpasok ng Setyembre kung kaya’t napuno ang kanilang morge na mayroon lamang na dalawang mortuary freezer.

Nitong Lunes, Setyembre 21, umabot na sa 23,902 ang confirmed cases at 2,502 ang active cases.

May 12 karagdagang pasyente ang naiulat na nasawi dahilan para umabot sa 1,164 ang kabuuang bilang ng mga pumanaw sa lalawigan dahil sa sakit na Covid-19.

Tiniyak naman ng Regional Inter-Agency Task Force Against Covid-19 na may maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan at mga ospital upang hindi maulit ang insidente.

Tags: #OpinYonQuezonin, #QuezonMedicalCenter, #Covid19, #Covid19casualties, #cremation, #DepartmentOfHealth


More about Quezon

P8-M tulong pang-agrikultura, ipinamahagi sa Quezon photo DA RFO IV-A

P8-M tulong pang-agrikultura, ipinamahagi sa Quezon

5 hours ago

We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2021 OpinYon News. All rights reserved.