Mga hindi bakunado kontra Covid-19, limitado na ang galaw sa Infanta, Quezon
Quezon

Mga hindi bakunado kontra Covid-19, limitado na ang galaw sa Infanta, Quezon

Jan 11, 2022, 7:52 AM
Annadel Gob

Annadel Gob

Writer

Limitado na ang magiging galaw ng mga hindi pa nababakunahan kontra Covid-19 sa bayang ito matapos maglabas ngayong Lunes(January 10) ng Executive Order si Mayor Filipina Grace America.

INFANTA, Quezon – Limitado na ang magiging galaw ng mga hindi pa nababakunahan kontra Covid-19 sa bayang ito matapos maglabas nitong Lunes(January 10) ng Executive Order si Mayor Filipina Grace America.

Batay sa nasabing EO, mananatili sa kanilang mga tirahan sa lahat ng oras ang mga hindi bakunado maliban sa pagbili ng mga essentials.

Pinapayagan din ang outdoor exercise sa loob ng tahanan o nasasakupan ng barangay.

Ipinagbawal para sa mga unvaccinated ang “al fresco” dining o pagkain sa labas, pamamasyal sa mall, hotel, sports at country club, gayundin ang pagbiyahe sa labas, maliban sa pagbili ng mga mahahalagang produkto at serbisyo.

Ang mga hindi bakunadong manggagawa na mula sa ibang bayan ay kinakailangang ipakita ang negatibong resulta ng Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT PCR) kada dalawang linggo at personal na gastos ang pagsusuri.

Kung sakaling wala pa ang resulta ng RT-PCR test, ay maaari nilang gamitin ang resulta ng kanilang Rapid Antigen Test bilang kapalit nito.

Para sa mga sumasakay sa mga pampublikong transportasyon, pinapayuhan ang lahat na ugaliing dalhin ang vaccination card.

Kailangan ding magpaskil ang ang pampublikong transportasyon at mga establisyimento sa Infanta ng mga karatula o sticker na “No Vaccine, No Ride” o “No Vaccine, No Entry” sa harap at loob ng mga sasakyan at establisyimento.

Ang mga lalabag sa EO ay magmumulta ng P20,000 ngunit hindi hihigit sa P50,000o pagkakulong ng hindi bababa sa isangbuwan ngunit hindi hihigit sa anim na buwan, o pareho tulad ng multa at pagkakulong, sa pagpapasya ng tamang hukuman.

Kakasuhan naman ang mamemeke o di kaya’y gagamit ng huwad na Vaccination Card sa ilalim ng Act No. 3815 o Revised Penal Code, alinsunod sa Seksyon 12 ng Republic Act No. 11525 o COVID-19 Vaccination Program Act of 2021.

Ang bisa ng EO ay habang nasa ilalim ng Alert Level 2 o mas mataas, at awtomatikong aalisin kapag bumalik na saAlert Level 1 o mas mababang antas.

Tags: #InfantaQuezon, #quezonprovince, #opinyonnews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.