Mga Biñanense, pinag-iingat sa mga pekeng BPLO employee
OpinYon Laguna

Mga Biñanense, pinag-iingat sa mga pekeng BPLO employee

Nov 4, 2025, 6:55 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Muling nagpaalala ang mga awtoridad sa Biñan City sa publiko na huwag agad-agad magpapapasok ng mga estranghero, kahit na magpakilala silang mga empleyado ng pamahalaan.

Ito ang naging babala ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) sa isang abiso na inilabas nitong Martes, October 28.

"Kung may mag-inspeksyon sa inyong negosyo, siguraduhing humingi ng kanilang opisyal na City Government ID at Mission Order bago sila papasukin o kausapin," paalala ng BPLO.

Gayundin, sinabi ng BPLO na hindi sila humihingi o tumatanggap ng pera or online transfers mula sa mga negosyong iniinspeksyon.

"Lahat ng opisyal na bayarin ay dapat lamang bayaran sa City Treasurer’s Office na may opisyal na resibo," dagdag pa nito.

Hinikayat rin ang mga residente at negosyante na kaagad ipagbigay-alam sa mga awtoridad kung may mga kahina-hinalang mga tao na nagpapakilalang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na umaaligid at nagbabahay-bahay.

Noong nakaraang Setyembre ay nagbigay rin ng abiso ang pamahalaang barangay ng San Antonio, Biñan City laban sa mga umano'y nagbabahay-bahay sa naturang barangay at nagpapanggap na mag-iinspect ng tangke ng LPG.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.