INDEPENDENCIA! Ang Pagpaparangal Sa Rehimentong Tayabas
Quezon

INDEPENDENCIA! Ang Pagpaparangal Sa Rehimentong Tayabas

Jan 23, 2023, 5:01 AM
Gem Suguitan

Gem Suguitan

Columnist

Kailan nagiging balita ang kasaysayan? Kapag bago ang mga datos at hindi pa nalalaman ng karamihan o madla? Ganyan ang nangyari sa Rehimentong Tayabas na hindi nakasama sa mga sinag ng araw sa watawat ng Pilipinas gayong una pa pala silang nagbuwis ng buhay sa Intramuros at isinigaw ang "INDEPENDENCIA!" sa kanilang paglaban sa pananakop ng mga banyaga. Ang kanilang kabayanihan ay hindi pa naituro sa mga paaralan, bagama’t ang mga dokumento ay nakalagak sa Pambansang Sinupan o National Archives. Ang kasaysayan ay hindi isang okasyon. Ito ay ang pagkakaugnay ng mga kaganapan sa nakaraan na may saysay at kapupulutan ng aral kung paanong ang mga tao ay nakarating sa kasalukuyan. Ang saysay na ito ay patuloy na inaalala upang magsilbing inspirasyon at hindi na maulit pa ang mga hindi magandang kaganapan hangga’t maaaring maiwasan.

Enero 20 ang ika-180 taon ng Pag-aaklas ng Rehimentong Tayabas.

Sa paggugunita, lumuwas sa Maynila ang mga kinatawan ni Quezon Gob. Angelina Tan, na si Ria Marelle A. Timbal, ang Panlalawigang Librarian at mga kasama, Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon at iba’t-ibang ahensyang pampamahalaan at kultural, at ang pamahalaang Lunsod ng Tayabas sa pangunguna ni Mayor Lovely Reynoso-Pontioso.

Sa Intramuros mismo, mga sundalong Tayabasin ang unang sumigaw ng “Independencia” noong 1843, bago pa binitay ang tatlong paring martir na GOMBURZA noong 1872, at bago pa barilin ang bayaning si Jose Rizal sa Luneta taong 1896.

May temang “Katapangan at Kabayanihan,” nagsimula ang pag-alala sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa panandang pangkasaysayan na nakalagak sa Fort Santiago na itinayo ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) noong 2018 sa pagpupunyagi ni Ryan Palad na Pangulo ng Alternatibong Tahanan ng mga Akda at Gawaing Nasaliksik (ATAGAN) Inc.

Ang kilalang Tayabasin na manunulat, aktor at propesor na si Dr. Emmanuel Vim Nadera ang nagsilbing tagapagpadaloy ng palatuntunan na dinaluhan din ng kilalang iskultor na si Frederic Caedo.

Ang ikalawang bahagi ng kaganapan ay isang palatuntunan kung saan naging panauhing pandangal si Carminda R. Arevalo, OIC Executive Director ng NHCP.

Ayon sa kanya, ang kabayanihang ipinamalas ng mga Tayabasin ay napapanahon pa hanggang sa kasalukuyan spagkat ipinakita ng Rehimentong Tayabas na walang lugar ang paniniil at ang pagkamit ng kalayaan ay higit pa sa pagbubuwis ng buhay.

Naging tagapagpadaloy ng palatuntunan sa hapon si Vladimir Agcaoili Nieto, Pangulo ng Konseho ng Herencia ng Lucena (KHL). Ikatlong bahagi ng isang araw na kaganapan matapos ang tanghalian sa Fort Santiago, ang pag-aalay ng bulaklak at ang pagbubukas ng eksibit sa bahagi ng Rizal Park Visitors’ Center sa Luneta.

Panauhing Pandangal si Victorino Mapa Manalo, bagong talagang Chair ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Executive Director ng National Archives of the Philippines (NAP). Siya ay kinatawanan ni Deputy Executive Director ng NAP na si Marietta R. Chou.

Ipinaliwanag ni Chou na 60 por siyento pa lamang ng mga record sa NAP ang nabigyan ng tamang deskription kung kaya at mahalagang malaman pa kung ano pang mga kabayanihan ang mga binabanggit sa natitirang 40 porsyento na kailangan pang mabuksan at maisaayos upang maibahagi ng mga historyador at mananaliksik. Marami pang nakatagong yaman ng impomasyon sa artsibo kung kaya’t pinagbubuti ng kanilang ahensya ang digitalisasyon at pakikipag-ugnayan sa ibang bansa upang mapayabong pa ang maaari nilang maibahagi sa mga historyador at mananaliksik.

Ayon nga kay Ryan Palad, ang mga mahahalagang impormasyon patungkol sa Rehimentong Tayabas ay nasa pag-iingat ng NAP. Ang mga larawan nito na bahagi ng binuksang eksibit ay maaaring ilibot sa iba’t-ibang bayan sa lalawigan ng Quezon upang matunghayan ng nakararami at maipahayag ang mahalagang impormasyon na mga Tayabasin ang unang nagnais na makalaya sa mga mananakop na naroon sa Fort Santiago.

Catanauanin naman ang nagpakilala sa Tagapanayam, Dekano ng CAL sa PUP, si Romeo P. Peña, Ph.D. Kapwa niya Catanauanin ang nagbigay ng espesyal na panayam na “Isang Pagpupugay sa Natatanging Kadakilaan: Paggunita sa ika-180 Anibersaryo ng Rehimentong Tayabas,” si Dr. Celestina P. Boncan ng UP Manila.

Binuksan ni Boncan ang pagtalakay sa pagbanggit na ang ipinagdiriwang ng mga Tayabasin ay hindi na lamang kaganapang pampook kundi isang kaganapang pambansa. Masusi niyang ibinahagi ang kanyang pananaliksik ukol sa paksa at inihayag ang kanyang hinuha kung paano at saan dumaan ang mga sundalong Tayabasin upang makubkob ang Fort Santiago na hindi namalayan ng mga Kastilang nakakasakop noon sa bansa.

Huling bahagi ng palatuntunan ang “Filipinas en el siglo XIX: Paglalahad ng Konteksto ng Pag-aalsa ng 1843 sa Isang Lakad-Saysay ng Liwasang Rizal Luneta” mula kay Michael Charleston ‘Xiao’ B. Chua, Propesor sa De La Salle University at Pamantasan ng Pilipinas sa Diliman. Sapagka’t isang batikang historyador lalo pa nga at pampubliko, pinadali niya ang pag-intindi ng mga tagapakinig ukol sa kasaysayan. Lahat ay sumama hanggang sa huling bahagi ng tour sa Luneta upang mapakinggan ang kaalamang ibinahagi ng tagapagsalita. Nagsimula sa water fountain na mismong ininuman ni Jose Rizal sa kanyang panahon ng paninirahan sa ibang bansa at nagtapos sa hindi gasinong pansinin na lapida ng mga bayaning pinatay sa Luneta, umuwing masaya ang mga nagsidalo.

Walumpu’t dalawang Tayabasin ang unang nagdilig ng dugo sa Intramuros. Sila ay mga kaanak ng nasawi at kasapi sa Cofradia de San Jose ni Apolinario de la Cruz o Hermano Puli, martir at bayani mula sa lalawigan ng Quezon. Ang kanilang pag-aaklas ay naisakatuparan noong gabi ng Enero 20-21 1843, at bagama’t nagapi nila ang mga Espanyol ay hindi natapos ang isang araw at sila rin ay napatay ng mga kalaban. Sa panandaliang tagumpay unang isinigaw ng mga Pilipinong Tayabasin ang salitang “Independencia” o kalayaan para sa bansa.

Hindi pa nakaukit ang kanilang pangalan sa Rizal Park, Luneta.

Ang makasaysayang pag-alala ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng ATAGAN Inc., Panlalawigang Pamahalaan ng Quezon, Pamahalaan ng Lunsod ng Tayabas, Intramuros Administration (IA), NHCP, National Parks and Development Committee (NPDC), NAP, at KHL.


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.