Quezon City Government
Local Government

Pangakong hindi natupad? Anomalya sa “ginupit” na TUPAD sa QC, inimbestigahan na

Sep 7, 2021, 5:24 AM
Santiago Celario

Santiago Celario

Writer

Iniimbestigahan na ang maanomalya umanong pamamahagi ng TUPAD benefits sa Quezon City kung saan sabi ng ilang nagrireklamo ay wala pa sa kalahati ang halaga na kanilang natanggap na benepisyo.

NAGSIMULA na ang imbestigasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa reklamo ng mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD program ng DOLE sa umano’y “ginupit” na ayuda sa mga benepisyaryo ng naturang programa ng pamahalaan sa Quezon City.

Sinimulan na ang pagkuha ng mga affidavit ng DOLE sa may 50 benepisyaryo ng programa sa covered court ng Barangay Holy Spirit nitong nakaraang Lunes (Setyembre 6).

Ayon kay Atty. John Malinao ng legal department ng DOLE, sa kasalukuyan ang paunang hakbang na isinasagawa ng ahensya ay ang pagsasagawa ng fact findings at pagkuha ng pahayag sa mga indibidwal na naging benepisaryo ng TUPAD.

Hindi na nito idinetalye pa ang kanilang isasagawang imbestigasyon.

Sa pahayag ni Noel Abecendario, isa sa benepisyaryo ng TUPAD noong 2015, ang dapat na matanggap nya ay P14, 000 subalit P1,000 lamang umano ang ibinigay sa kanya ng coordinator ni Rep. Winnie Castello na noo’y kongresista pa ng Second District ng Quezon City.

“Labag sa kalooban namin ang nangyari pero wala kaming magawa,” ayon pa kay Abecendario.

Ganito rin ang naging pahayag ni Aminodin Morrow isa sa empleyado ng barangay.

Sinabi niyang P2,000 lamang ang ibinigay sa kanya ng coordinator ni Rep. Precious Castelo sa programa ng Tupad ngayong 2021 na dapat sana’y P7,500.

Kaugnay nito, itinanggi naman ni Kapitan Felicito Valmocina ng Barangay Holy Spirit na may kinalaman ang mga opisyal ng barangay sa naturang anomalya at sinabing wala umanong silang kinalaman sa naganap na kontrobersya na nadiskubre simula pa noong 2015hanggang 2021.

Sinabi pa ni Valmocina na aabot sa halagang P100 milyon ang halagang pinag-uusapan sa naturang anomalya sa programa na ipinatupad ng Tupad mula sa mga ginupit na ayuda para sa mga benepisaryo ayon pa sa naturang kapitan.

Tags: #QuezonCity, #DepartmentofLaborandEmployment, #TUPADprogram, #anomalies


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.